NDRRMC: 8 patay, 3 nawawala sa hagupit ni Karding

NDRRMC: 8 patay, 3 nawawala sa hagupit ni Karding

September 27, 2022 @ 10:04 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Umabot na sa walo ang bilang ng mga namatay dahil sa Bagyong Karding, ayon sa tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong Martes.

Sa isang mensahe sa mga mamamahayag, sinabi ni NDRRMC deputy spokesperson Raffy Alejandro, bukod sa walo ang napaulat na namatay, tatlo ang naiulat na nawawala dahil sa bagyo.

Sa walong naitalang nasawi, lima rito mga rescuer na nalunod sa San Miguel, Bulacan.

Dalawang karagdagang nasawi ang iniulat mula sa Zambales at isa mula sa Quezon, ayon sa NDRRMC.

Ang mga ulat na ito ay nakatakda pang iberipika ng ahensya, dagdag pa ni Alejandro.

Samantala, dagdag pa ng NDRRMC na may kabuuang 60,817 katao o 16,476 na pamilya ang naapektuhan ng pananalasa ni Karding.

Ang mga ito ay nagmula sa 948 barangay sa Ilocos Region, Cagayan, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol, at Cordillera Administrative Region (CAR).

Sa kabuuang apektadong populasyon, 46,008 indibidwal o 12,352 ang nananatili sa loob ng 976 evacuation centers, habang 5,803 katao o 1,648 pamilya ang naninirahan sa ibang lugar.

May kabuuang 49,092 katao o 13,129 pamilya ang preemptively evacuated, sabi ng NDRRMC.

Samantala, nasa P3 milyong halaga ng pinsala sa mga imprastraktura ang naiulat sa Mimaropa dahil sa Karding, ayon sa NDRRMC. Para sa agrikultura, P1.525 milyon ang halaga ng pinsalang naiulat sa Cordillera.

Sinabi rin ng NDRRMC na 74 na lugar ang nakaranas ng pagbaha sa Central Luzon, Calabarzon, at Bicol. Ang baha sa dalawa sa mga lugar na ito ay humupa na, dagdag nito.

May kabuuang 16 na tulay at 13 kalsada ang hindi madaanan sa Cagayan, Central Luzon, Calabarzon, Bicol, at Cordillera dahil sa epekto ng bagyo. Gayunpaman, walong kalsadang dating hindi nadadaanan ay nadadaanan na.

Naranasan din ang pagkawala ng kuryente sa 99 na lungsod at munisipalidad. Kung saan, 28 na lugar ang nakabalik na ng suplay ng kuryente.

May kabuuang 65 na daungan ang nagsuspinde ng operasyon, kung saan, 27 na daungan ang nagpatuloy na sa operasyon sa Mimaropa at Bicol.

Ayon sa NDRRMC, 2,181 pasahero, 231 rolling cargoes, 23 vessels, at 14 motorbanca ang stranded sa Calabarzon, Mimaropa, at Bicol.

Tatlong bahay ang iniulat na nasira — dalawa ang partially at isa totally — sa Ilocos at Cordillera.

May kabuuang 753 klase at 742 na iskedyul ng trabaho ang nasuspinde dahil sa banta ni Karding, sabi ng NDRRMC.

Ang Nueva Ecija na may 32 lungsod at munisipalidad ay idineklara sa ilalim ng State of Calamity.

May kabuuang P1,625,862 halaga ng tulong ang naibigay sa mga apektadong residente sa Cagayan, Central Luzon, Bicol, at Cordillera, sabi ng NDRRMC. RNT