NDRRMC: Higit 1,000 pamilya inilikas; 6 sugatan sa Banaue flash floods

NDRRMC: Higit 1,000 pamilya inilikas; 6 sugatan sa Banaue flash floods

July 12, 2022 @ 4:12 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Anim na indibidwal ang nasugatan habang mahigit 1,000 pamilya ang inilikas dahil sa pagbaha at mudslide sa Banaue, Ifugao, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Martes.

Inihayag ni NDRRMC spokesperson Mark Timbal na 10 barangay at 1,054 pamilya ang apektado ng pagbaha sa Banaue.

“Wala tayong fatality diyan sa nangyaring flashflood na ‘yan. Pero we had received reports na anim na kababayan natin ang nasugatan o na-injure as consequence of the floods,” ani Timbal sa Laging Handa briefing.

Base pa sa kanya, 1,048 tahanan ang napinsala dahil sa baha habang umabot naman sa P16.6 milyon ang pinsala sa agriculture sector.

Tinatayang nasa P860,000 ang pinsala ng pagbaha sa imprastraktura.

Isinailalim ang munisipalidad ng Banaue sa state of calamity dahil sa pagbaha dulot ng habagat.

Inilahad din ni Timbal na halos P2.4 milyong tulong na rin ang naipamahagi sa mga apektadong pamilya sa Banaue, sa pamamagitan ng food packs at iba pa. RNT/SA