NDRRMC: Infra damage sa Abra quake pumalo na sa P1.8B

NDRRMC: Infra damage sa Abra quake pumalo na sa P1.8B

August 10, 2022 @ 2:52 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Pumalo na sa P1,805,650,590.62 ang halaga ng imprastraktura na napinsala ng magnitude 7 earthquake na yumanig sa Abra at kalapit- lalawigan sa Northern Luzon noong Hulyo 27.

Sa  update report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), sinabi nito na ang pinsala ay natamo sa rehiyon ng Ilocos, Cagayan Valley, at Cordillera,at maging ng National Capital Region (NCR).

Naitala rin ang P33.7 milyong halaga ng pinsala sa agricultural facilities, equipment, at makinarya sa  Cordillera region, at P22.7 milyong halaga naman sa irrigation facilities sa Cordillera at Ilocos.

Idinagdag pa ng NDRRMC na ang mga nasirang bahay  ay umabot naman sa 35,798 sa Ilocos, Cagayan Valley, Cordillera, at NCR, 35,112 naman ay “partially damaged” at 686 ang “totally damaged”.

Iniulat din ng NDRRMC na 11 ang namatay; ang nasaktan naman ay 615 sa Ilocos, Cagayan Valley, at Cordillera; at ang mga apektadong pamilya ay umabot naman sa 140,617, katumbas ng 513,330 indibiduwal na nakatira sa 1,339 barangay sa Ilocos, Cagayan Valley, at Cordillera.

May kabuuang 334 pamilya o 1,034 indibiduwal naman ang nananatili sa evacuation centers. Kris Jose