Manila, Philippines – ‘A work in progress’.
Ito ang naging sagot ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa delayed nilang mga text advisory tungkol sa lagay ng panahon o kalamidad.
Sa isang radio program, inamin ng ahensiya na hindi pa perpekto ang kanilang text system.
Kasunod ito ng mga nagrereklamo na mag-aalas-9 o alas-10 na ng umaga nila natanggap ang advisory na pang alas-5 ng medaling araw dahilan kaya marami ang nagkakamali anila sa pagsuspinde ng klase.
Ayon kay NDRRMC spokesperson Director Edgar Posadas, madalas pa rin namang sa tamang oras ang dating ng advisory at ngayon lang umaga na-delay.
“Kanina nga pong umaga may delay nga po at ito nga po ang ginagawa ngayon, patuloy kaming nakikipagusap kung paano namin i-improve,” aniya.
“In this case, dahil tag-ulan ito, bagyo, ito po ay galing sa PAGASA (Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration). Ibinibigay po sa aming operations center at ito ay tina-translate natin sa mga messages. Siguro matagal na ‘yung 10 minutes na maiproseso ‘yun tapos ibinabato ‘yun sa mga telcos for dissemination,” paliwanag nito.
Bukod dito aniya ay hindi lang isa kung di dalawa ang sistemang pinadadanan ng impormason sa publiko: ang cell broadcast system at ang short messaging system (SMS).
“Kaya bumababa pa rin tayo doon sa older technology ng SMS kasi po hindi lahat ng ating kababayan ay capable ‘yung telepono para doon sa sinasabi nating cell broadcast system,” dagdag niya.
Sa huli, siniguro naman nito na patuloy pa nilang isinasaayos ang sistema nila pagdating sa pagpapakalat ng impormasyon. (Remate News Team)