NDRRMC, naka-red alert sa patuloy na paglakas ni ‘Karding’

NDRRMC, naka-red alert sa patuloy na paglakas ni ‘Karding’

September 24, 2022 @ 2:36 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Kasalukuyang naka red-alert ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Operations Center simula Biyernes ng gabi, dahil sa inaasahang matinding epekto ng  Tropical Storm Karding sa malaking bahagi ng bansa ngayong  weekend.

Dahil dito,  binuhay din ng NDRRMC ang Emergency Operations Center management team, araw ng Sabado.

Samantala, nagpalabas naman ang  Department of the Interior and Local Government (DILG) ng advisory sa mga apektadong local governments  para sa preemptive evacuations ng mga komunidad sa high-risk areas.

Ang Quick Response Funds na naka-standbuy ay nagkakahalaga ng P517.03 milyong piso na nasa  pangangalaga ng  Department of Social Welfare and Development.

Naka-antabay din ang 542,950 family food packs na nagkakahalaga ng P323.84 milyong piso bukod pa sa P674.39 milyong halaga ng iba pang food items.

Sa ulat, patuloy na lumalakas pa ang bagyong Karding at itinaas na ng PAGASA ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa siyam na lugar sa Hilaga at Gitnang Luzon ngayon umaga.

Sa 5am bulletin, Signal No. 1 sa Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino, the southern portion of mainland Cagayan (Peñablanca, Tuguegarao City, Iguig, Solana, Tuao, Enrile), Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Aurora, at sa hilaga at silangan bahagi ng Nueva Ecija (Carranglan, Pantabangan, Gabaldon, Bongabon, Laur, Rizal, San Jose City, Lupao, Llanera, Gen. Natividad, Palayan City, at Gen. Tinio).

Huling namataan ang bagyo sa distansiyang 795 kilometro silangan ng Tuguegarao City sa Cagayan at kumikilos ito sa direksyon ng kanluran-timog kanluran sa bilis na 15 kilometro kada oras.

Taglay na nito ang lakas ng hangin na 85 kilometro kada oras malapit sa gitna at bugso na aabot sa 95 hanggang 105 kilometro kada oras.

Inaasahan na tatama ito sa kalupaan ng Isabela o Aurora bukas ng umaga o hapon.

Sinabi ng PAGASA na pagkatawid ng bagyo sa bulubunduking bahagi ng Hilagang Luzon, lalabas ito sa West Philippine Sea, hapon ng linggo o Lunes ng umaga.

Hindi isinasantabi ang posibilidad na ang bagyong Karding ay umakyat sa typhoon category mula sa pagiging severe tropical storm pagtama nito sa kalupaan. Kris Jose