NDRRMC nangako ng unified action vs Mindoro oil spill

NDRRMC nangako ng unified action vs Mindoro oil spill

March 15, 2023 @ 7:56 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Siniguro ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang mga lokal na opisyal ng Oriental Mindoro na magsasagawa ng sanib-pwersang aksyon ang pamahalaan upang maibsan ang epekto ng oil spill sa probinsya.

Ito ay kasunod ng coordination meeting nitong Miyerkules, Marso 15 ng mga opisyal at representative ng NDRRMC member agencies at local government units upang pag-usapan ang nagpapatuloy na response operations kasunod ng oil spill mula sa lumubog na M/T Princess Empress noong Pebrero 28.

Pinangunahan ni Undersecretary Ariel Nepomuceno, NDRRMC executive director at Office of Civil Defense (OCD) administrator, ang pagpupulong na nakatuon sa prioritization ng action points upang suportahan ang response operations na isinasagawa ng Philippine Coast Guard, mga ahensya ng pamahalaan at local government units.

“Undersecretary Nepomuceno assured Oriental Mindoro Governor Humerlito Dolor during the meeting who raised concerns on the impacts of the oil spill in the province, that the national government will ensure the conduct of integrated interventions to address the effects of the oil spill,” sinabi ni OCD spokesperson Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejandro IV nitong Miyerkules, Marso 15.

Napag-usapan din sa pagpupulong ang pagpapalakas ng kapasidad ng pamahalaan sa oil spill management at containment, agarang probisyon sa mga kagamitan, at pagpapabilis ng entry protocol para sa response teams.

Kabilang din dito ang pagsusuri sa kasalukuyang umiiral na oil spill contingency plan.

Iniulat naman ang early recovery interventions na isinagawa ng pamahalaan kabilang ang cash-for-work program na pinangunahan ng Department of Environment and Natural Resources kasama ang pagpopondo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at suporta mula sa programa ng Department of Labor and Employment sa pamamagitan ng “TUPAD” o “Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers”.

Nagpadala na rin ng tulong ang pamahalaan ng Japan para sa oil recovery efforts.

Sa huling ulat, nasa 31,497 pamilya na ang apektado ng oil spill sa MIMAROPA at Western Visayas.

Mayroon na ring 13,654 na mga magsasaka at mangingisda ang naapektuhan ng oil spill. RNT/JGC