‘NEAR SPACE’ INVASION

‘NEAR SPACE’ INVASION

February 14, 2023 @ 12:25 PM 1 month ago


PASIMPLE at madiskarteng pinupuntirya ng China ang pag-angkin sa nabunyag ngayon bilang “near space.” Ito ay ang layer ng atmosphere sa ibabaw ng daanan ng mga eroplano at military jet, pero hindi aabot sa puwesto ng space flights at satellites.

Ang high-above domain na ito, na iniulat ng CNN bilang eksaktong daanan ng hypersonic weapons at ballistic missiles, ang pinupuwestuhan ngayon sa mga pinalilipad ng China na balloons – gaya ng pinabagsak ng military jet ng Amerika habang nasa himpapawid nito noong nakaraang linggo.

Ayon sa mga ulat, ang ‘near space’ ng mahigit 40 bansa ay matagal na raw tinatambayan ng Chinese-made balloons na ito, na inilarawan ng military experts bilang “high-tech” at solar-powered.

Bagamat mukhang simpleng lobo lang kung titingnan, delikado ito sa katotohanan. Ayon sa mga opisyal ng Amerika, ang balloon na pinagbagsak nito mula sa himpapawid ng kanilang bansa ay isang device na ginagamit sa ‘extensive Chinese surveillance program’.

Ngayon pa lang, binansagan na ng military experts ang near space bilang bagong paglalabanan o battleground.

Napapaisip ako kung ilang leader ng mga bansa ang mapupuyat sa pamumroblema sa near-space invasion na ginagawa ng Beijing.
Defense quad

Mula sa estratehikong pagtutulungang militar ng Pilipinas, Amerika, at Japan, gaya nang sinasabi ng Center for Strategic and International Studies, may panukalang palawakin ang grupong panseguridad ng tatlong bansang nabanggit para maging ‘defense quad’ kasama ang Australia.

Siyempre pa, ang dating nito ay isang dambuhala at matatag na alyansa ng mga seguridad na pangrehiyon, lalo na sa harap ng mga panggigipit ng Beijing sa South China Sea.

Sana ay magkaroon ng pormal na pagkakaisa ang mga bansa sa Timog-Silangang Asya at Silangang Asya upang seryosong maisulong ang kani-kanyang pambansang kapakanan para sa pangrehiyong seguridad sa halip na umiral ang geopolitical supremacies na pabor sa interes ng makakapangyarihang bansa mula sa ibang kontinente.

Short burst. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.