Negosyante binalot ng masking tape, patay

Negosyante binalot ng masking tape, patay

January 27, 2022 @ 10:17 AM 8 months ago


CAGAYAN-Hanggang sa ngayon ay palaisipan pa rin sa mga otoridad ang motibo ng karumal dumal na pagpatay sa isang negosyante na binalot ng masking tape sa Barangay Langagan, Sanchez Mira, Cagayan.

Natagpuan ng patay sa loob ng kanyang tindahan ang biktimang si Anita Burgos, 59 anyos, walang asawa na natalian at nakagapos ng masking tape patalikod ang parehong kamay at paa at binalot din ng masking tape ang bunganga saka pinasakan ng karton para tuluyan ng hindi makahinga.

Ayon kay Chief of Police Major Osmundo Mamanao, hepe ng Sanchez Mira Police Station, nangangamoy na rin ang katawan ng biktima ng madiskubre.

Ayon sa mga kamag-anak, huling nakausap ng buhay ng kanyang kapatid na lalaki ang biktima noong Sabado January 22.

Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya na maaaring kakilala ng matandang Burgos ang mga suspek dahil malayang nakapasok ang mga ito sa kanyang tindahan na walang nakitang forced of entry.

Hinihinalang kagagawan ito ng dalawa hanggang tatlong katao.

Napansin daw ng mga kapitbahay ng biktima na may humintong sasakyan sa tapat ng tindahan ni Burgos.

Wala namang ninakaw sa mga paninda at pera ng biktima at hindi rin siya ginalaw ng mga suspek.

Napag-alaman na may hidwaan at under court litigation ang lupang kinatitirikan ng tindahan ng biktima.

Ito umano ang pangalawang beses na pinasok ang biktima na noong una ay natukoy ang suspek na matagal na ring pinaghahanap ng mga otoridad. Rey Velasco