Negosyante nadenggoy sa ‘Marcos gold’

Negosyante nadenggoy sa ‘Marcos gold’

November 29, 2022 @ 10:56 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nadenggoy ang isang negosyante mula sa Mindanao ng mahigit P5 milyon na investment matapos na alukan ng isang grupo ng parte na P700 milyon mula sa pagbebenta ng mahigit P17-trilyong halaga ng Marcos gold na umano’y itinatago sa loob ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Ayon sa biktima na hindi na pinangalanan, napaniwala siya ng grupo na pawang mga matatanda na at nasa edad 80, dahil nagpresenta ang mga ito ng mga tila lehitimong ID ng kompanya at gobyerno.

“Dahil matatanda na sila, nakasisiguro akong mapagkakatiwalaan sila. Sa aking pag-iisip, matanda na sila kaya imposibleng gumawa sila ng mali,” anang biktima.

Nang maglaon, naghinala na siya sa mga suspek matapos na makita ang certificate of ownership na kinilala ni BSP Governor Benjamin Diokno pero ang nakalagay doon ay Benjamin Diokno Santiago. Hiningan rin umano siya ng paulit-ulit ng karagdagang pera.

Sa isang reklamong inihain sa National Bureau of Investigation, kinilala ng biktima ang pinuno ng grupo na si Aniano Gemina, na nagsasabing siya ang CEO ng isang borrowing company, ang Real Mines Development Corp.

Sinabi ni Jericho na humingi sa kanya si Gemina ng P5 milyon para mag-renew ng isang “safekeeping receipt” na nagpapatunay na pagmamay-ari ng kumpanya ang Marcos gold na itinago sa loob ng BSP.

Ayon kay Gemina, ang resibo ay hinihingi ng BSP para sa deal sa Haggai Precious Metals Trading Corp. na nakikipagtransaksyon sa kanyang kumpanya para bilhin ang ginto sa halagang P17 trilyon.

Aniya, pumayag siyang bayaran ang P5 milyon basta ang transaksyon ay sa loob ng BSP building. Gayunpaman, ang pagpirma ng “kontrata,” kasama ang turnover ng pera ay naganap sa isang pribadong restawran sa Malate, Maynila, noong Hunyo 30, 2021.

Matagal nang pinabulaanan ni Pangulong Marcos Jr. ang mga pag-aangkin ng isang repositoryo ng ginto bilang pinagmumulan ng kayamanan ng kanyang pamilya. Ayon sa isang urban legend, ipinagkatiwala ng royal family ng Tallano ang mga gold bar sa kanyang pamilya. RNT