Negosyante nalunod sa Tanza River sa Navotas

Negosyante nalunod sa Tanza River sa Navotas

August 7, 2022 @ 11:24 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Patay na nang matagpuan ang isang 37-anyos na negosyante matapos malunod sa Tanza River sa Navotas City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Navotas police chief Col. Dexter Ollaging ang biktima bilang si Jerick Latorre, businessman at residente ng Habitat,Tanza-2, Navotas City,

Batay sa imbestigasyon ni PSSg Levi Salazar, huling nakita ang biktima dakong alas-3 ng hapon noong Agosto 5, 2022 kasama ang kanyang mga kaibigan na naglalaro at tumatalon sa Tanza River malapit sa water gate sa Socialized Housing, Tanza-2, ng lungsod.

Ayon sa ama ng biktima, alas-4 ng hapon nang gisingin siya ng kanyang asawa at sinabi sa kanya na nawawala at hindi makita ang kanilang anak na lalaki kaya hinanap nila ito sa socialized housing saka humingi ng tulong sa Philippine Coast Guard (PCG) dahil sa impormasyong kanilang natanggap na huli itong nakitang lumalangoy at tumalon sa Tanza River.

Kaagad namang rumesponde ang mga tauhan ng PCG, kasama ang BFP Navotas at Navotas Police Sub-Station 1 saka nagsagawa ng search and rescue operation at dakong alas-3 ng madaling araw nang matagpuan ang bangkay ng biktima at wala naman nakitang palatandaan na pisikal na pinsala sa kanyang katawan.

Nag-execute naman ng isang affidavit ang ama ng biktima na nagsasaad na kumbinsido siya na walang naganap na foul play sa insidente at tumanggi na sa anumang isasagawang imbestigasyon at autopsy examination. Boysan Buenaventura