Manila, Philippines – Isa na namang kaso ng pamamaril ng riding in tandem ang nangyari sa kahabaan ng Pier 18 Road 10 malapit sa Smokey Mountain.
Patuloy namang nagsasagawa ng follow up operation ng pulisya sa pangyayari kung saan isang negosyanteng Chinese national na nakilala bilang si Juan Miguel Tan, 46-anyos, taga-Malabon ang nagtamo ng tama ng bala sa bahagi ng kanyang ulo.
Kasalukuyan pa umanong nilalapatan ng lunas sa Tondo General Hospital sa Balut.
Ayon sa MPD-Station 1, nagsasagawa pa ng imbestigasyon at follow up operation sa pangyayari na naganap eksakto 9:20 ng umaga.
Ayon naman sa isang residente sa lugar, naglilinis ito ng kanyang motorsiklo sa gilid ng highway nang makarinig ng dalawa hanggang 3 putok ng baril sa kabilang lane ng Road 10.
Nakita rin sa kuha ng CCTV ng barangay 101 na nag-U turn ang riding in tandem pabalik ng northbound lane ng Road 10.
Nang kanyang tignan ang pinanggalingan ng putok, dito na niya nakita ang biktima na duguan sa loob ng kanyang Avanza A4 X299 na kulay Beige.
Agad namang itong sinaklolohan ng mga opisyal ng barangay sa lugar at itinakbo sa naturang ospital.
Aniya pa, posibleng sa likod ng SUV galing ang putok ng baril na tumagos sa drivers seat at tinamaan sa bahagi ng ulo ang biktima. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)