Negosyante patay sa mga kawatan

Negosyante patay sa mga kawatan

February 18, 2023 @ 3:52 PM 1 month ago


NEGROS OCCIDENTAL- Patay ang isang negosyante ng tubo matapos tambangan at pagbabarilin ng mga kawatan saka tinangay ang higit sa kalahating milyong pera na pinagbentahan ng kanyang mga tubo, kahapon sa bayan ng La Castellana.

Kinilala ang biktimang si Saturnino Superales, 55, mag-asawa, magtutubo at residente sa Sitio Taguisan, Brgy. Montilla, Moises Padilla.

Batay sa report ng La Castellana Police Station, dakong alas-9:30 ng umaga kahapon (Pebrero 17, 2023) nang maganap ang krimen sa Taytay Taborda, Brgy. Robles, La Castellana.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, sakay ang biktima ng kanyang motorsiklo pauwi sa kanilang bahay galing sa pagbebenta ng higit sa 10 truck na tubo sa La Carlota City at bitbit ang higit sa P500,000 na kinita.

Subalit, pagdating sa nasabing lugar bigla na lamang siyang hinarang ng isang kulay silver gray na van at bumaba ang dalawang kalalakihan na sakay nito.

Kwento ng ilang saksi sa pangyayari, nakita nilang pilit na kinukuha ng mga suspek ang bitbit na bag ng biktima na naglalaman sa nasabing halaga ng pera.

Hanggang sa nakarinig na lamang sila ng mga putok ng baril at nakita ang biktima na nakabulagta sa kalsada at naliligo sa sariling dugo.

Mabilis naman tumakas ang mga suspek tangay ang pera ng biktima sa hindi malamang direksyon.

Dinala naman sa ospital ang biktima subalit idineklara na rin itong patay ng umatending doktor.

Paniniwala ng pulisya na posibleng may kinalaman ang mga trabahador ng biktima sa krimen dahil sila lamang ang nakakaalam na galing ito sa kanyang tubuhan.

Inaalam na rin ng mga awtoridad kung ang sasakyan na gamit ng mga suspek ay inupahan lamang.

Nagpapatuloy naman ang ginagawang follow-up operation ng pulisya sa nasabing krimen. Mary Anne Sapico