Negosyante patay sa P200

Negosyante patay sa P200

January 29, 2022 @ 10:22 AM 8 months ago


Bacolod- Patay ang isang negosyante matapos itong pagbabarilin ng padyak driver dahil sa P200 nitong utang sa pamasahe, iniulat kahapon sa lungsod ng San Carlos ng probinsyang ito.

Kinilala ang biktimang si Wilmar Sy, at residente sa Barangay 4 ng nasabing lungsod.

Sa isinagawang manhunt operation ng San Carlos Police Station, nadakip ang suspek na kinilalang si Charlou Orsajes, 36-anyos, tubong Cebu City, at walang permanenteng tirahan sa nabanggit na lungsod.

Batay sa report ng pulisya, naganap ang krimen sa loob ng pamilihan bayan sa nasabing lungsod.

Lumabas sa imbestigasyon, madalas umanong sumakay ang biktima sa suspek kapag namimili ito ng kanyang mga paninda sa karinderya.

Depensa ng suspek, madalas hindi nagbabayad ang biktima at umabot na ito ng P200 kaya kanya itong siningil .

Sa halip na magbayad ang biktima pinagbantaan pa umano siyang papatayin kaya inunahan na niya itong patayin.

Nakakulong ngayon sa lock-up cell ng San Carlos City Police Station ang suspek at nahaharap sa kasong murder./Mary Anne Sapico