Negosyante pinatodas ni misis sa Bulacan

Negosyante pinatodas ni misis sa Bulacan

August 29, 2022 @ 4:40 PM 1 month ago


Bulacan- Arestado ng mga awtoridad ang apat na katao kabilang ang asawa na umano’y sangkot sa pagpatay sa isang fishpond owner sa bayan ng San Miguel.

Kinilala ni Bulacan Police Acting director PCOL. Charlie Cabradilla ang mga suspek na sina Maricel Beltran, asawa ng biktima bilang mastermind, Benjie Garcia, gunman, mga kasabwat na sina Romie De Guzman at Anthony Velasquez, foster son o anak-anakan ng biktima bilang middle man sa krimen.

Ang biktimang negosyante ay kinilalang si Ryan Beltran, 39, residente ng Brgy. Maligaya ng naturang bayan.

Sa report, nangyari ang insidente bandang alas-11 ng gabi nitong Agosto 27 sa mismong rest house ng biktima sa lugar.

Ayon sa salaysay ni Maricel, habang mahimbing na natutulog ang kanyang asawa ay pumunta siya sa palikuran.

Bumalik siya matapos makarinig ng mga putok hanggang sa makita ang kanyang asawa na naliligo sa sariling dugo.

Agarang dinala ang biktima sa Good Samaritan Medical Center sa Gapan City, Nueva Ecija para sa paunang lunas subalit wala ng buhay ito.

Nang makarating sa kinauukulan ang nangyari, agad nagsagawa ng malalimang imbestigasyon at magkakahiwalay na follow up operation ang pinagsamang puwersa ng San Miguel, San Ildefonso police at Provincial Intelligence Unit.

Dahil sa extra judicial confession o pag-amin at base na rin sa mga mensaheng nakita sa mga cellphone ay lumutang ang pangalan ni Maricel bilang utak sa krimen at Anthony bilang middleman kaya sila inaresto.

Kasabay nito, naaresto rin sa ooerasyon sina Romie sa Brgy. Kalawakan, DRT na nahulihan ng caliber 45 at granada habang ang kasabwat niyang si Benjie na nakumpiskahan ng Cal. 38 sa Brgy. Pulong Bayabas, San Miguel.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong murder habang nakakulong sa naturang istasyon ng pulisya. Dick Mirasol III