NELSON GUEVARRA ‘FULL SUPPORT’ SA PNP

NELSON GUEVARRA ‘FULL SUPPORT’ SA PNP

October 3, 2022 @ 7:28 PM 2 months ago


ANO nga ba ang kahalagahan ng pagkakaroon ng tent o kubol sa isang pamayanan, barangay at kapulisan?

Kadalasan kasi, ginagamit ng mga politiko ang pamamahagi ng kubol sa bawa’t barangay na kanilang nasasakupan na isa sa nagiging dahilan upang lumakas ang hatak nila sa publiko at makuha ang kanilang simpatiya para magtiwala sa kanyang kakayahan.

Iyon  nga lang, hindi maiaalis na nakabalandra ang mukha ng isang politiko sa kubol na kanyang ibinahagi bilang tanda ng kanyang pakikisama sa komunidad at upang malaman na rin ng mga tao sa lugar ang kabutihang kanyang ibinabahagi sa mamamayan.

Hindi lamang ang barangay ang may mahigpit na pangangailangan sa kubol o tent kundi maging ang mga pulis  lalo na ngayong pinaigting nila ang programang inilunsad ni National Capital Region Police Office Acting  Regional Director PBGen. Jonnel Estomo na S.A.F.E. NCRPO kung saan dapat ay palaging nakikita, napupuri at nadarama ang kanilang kakaibang kilos at galaw sa pagbibigay ng serbisyo at proteksiyon sa mamamayan.

Siyempre, hindi naman nangangahulugan na walang tigil na sa paglalakad sa kalye ang mga pulis  kaya kailangan nila ng isang lugar na mapagpapahingahan sa kanilang nasasakupan at dito kailangan ang kubol upang magsilbi na rin nilang pansamantalang outpost lalo na sa mga police station na may malawak na lugar na nasasakupan.

Isang kapuri-puring hakbang ang ginawa ng PGFlex Linoleum na pagmamay-ari ni Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry Inc.  External Committee Chairman Nelson Guevarra nang magbigay siya ng isang “blue tent” o kubol sa Manila Police District (MPD) Station 3 na pinamumunuan ni PLt. Col. Ramon “Ram” Czar Solas.

Hindi naman kasi kaila sa marami na napakalaki ang lugar na nasasakupan ng MPD Station 3 at kabilang nga rito ang area ng Quiapo at Sta Cruz na bantog na lugar sa lungsod ng Maynila na dinarayo ng maraming tao kaya hindi malayong dito rin maghanap ng kanilang mabibiktima ang masasamang elemento ng lipunan.

Kinailangan kasing paigtingin pa lalo ni  Solas ang police visibility sa lugar na kanyang nasasakupan dahil inaasahan na ngayong “Ber” month, kung saan papalapit na ang Undas, Pasko, Bagong taon at ang Pista ng Itim na Nazareno sa susunod na taon, asahan na ang pagtaas ng antas ng kriminalidad sa naturang distrito, partikular ang pagnanakaw, panghahablot, panlilinlang at iba pang uri ng masamang gawain.

Kaya ganoon na lang ang pasasalamat ng pamunuan ng MPD Station 3 kay Mr. Nelson Guevarra dahil malaki ang maitutulong ng mga kubol sa kanilang isinasagawang “police visibility” na kanilang magiging proteksyon sa init at ulan.

Kabilang nga pala sa mga opisyal na kasama sa isinagawang turn-over ceremony ay ang hepe ng PCP Blumentritt na si PLt. Ferdinand Cayabyab, Alvarez PCP Commander PMaj. Arnold Echalar at Plaza Miranda PCP Commander PMaj. Rowell Robles. Kung sabagay, noon pa man ay kilala na si  Guevarra sa kanyang mga ibinabahaging tulong sa pulisya at maging sa mga nagiging biktima ng kalamidad, kasama ang iba pang opisyal ng FFCCCII.

Maaring magpadala ng inyong puna at reklamo sa aking email address na jrreyes.0428@gmail.com o pwede rin magpadala ng mensahe sa 0995-1048357.