Nene 53 beses ginahasa ng amain sa Bulacan

Nene 53 beses ginahasa ng amain sa Bulacan

April 17, 2022 @ 2:26 PM 2 months ago


Bulacan- Kalunos-lunos ang isang 16-anyos na dalagita matapos 53 beses gahasain ng amain sa loob ng mahigit isang taon sa bayan ng Hagonoy.

Kinilala ang suspek na isang alyas “Balot”, 45, habang ang biktima ay itinago sa pangalang “Riche”, grade 8, kapwa residente ng Brgy. San Sebastian.

Sa report, nangyari ang huling mga panghahalay ng suspek sa biktima nitong Enero 3, Marso 17, Abril 7, Abril 8 at bandang alas-7 ng umaga nitong Abril 13, taong kasalukuyan sa naturang lugar.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon at sa salaysay na rin ng biktima, simula Enero hanggang Disyembre 2021 ay apat na beses kada buwan din siyang hinalay ng amaing suspek.

Wala siyang magawa sa panghahalay ng suspek dahil tinatakot siyang papatayin ang kanyang mga kapatid sakaling magsumbong kanino man.

Nitong huli, hindi na nakayanan ng biktima, sinabi nito sa kanyang pinsan ang mga nangyari na agad nagsumbong sa barangay kaya nahuli ang suspek at isinuko sa pulisya kalaunan.

Nakatakdang pumunta ang biktima sa Genital Examination sa Regional Crime Laboratory Office sa Camp Olivas,Pampanga habang ang suspek ay nahaharap kasong rape o paglabag sa RA 8353 (53 counts). Dick Mirasol III