Nene bugbog-sarado sa gang war

Nene bugbog-sarado sa gang war

January 20, 2023 @ 3:46 PM 2 weeks ago


Bulacan – Dahil sa tsismis bugbog-sarado ang babaeng menor-de-edad matapos pagtulungang gulpihin ng mga kapwa miyembro niya sa gang sa lungsod Malolos.

Ayon kay Malolos Mayor Christian Natividad, nasa edad 13, 14 at 15 ang apat na nahuling suspek ng mga awtoridad na bumugbog kamakailan sa kapwa kasapi nila sa “OG Hood” gang sa Brgy. Liang

Aniya, nagsimula lang ang gusot sa mga tsismis hanggang sa hindi nagkaintindihan ang mga miyembro at lumawak ang gulo sa loob ng gang.

Dahil dito, pinatawag ng isa sa suspek ang biktima na magkita sa naturang lugar para pag-usapan at ayusin umano ang gusot sa kanilang hanay.

Lingid sa kaalaman ng biktima ay may plano na pala ang mga suspek at mga kasama na gulpihin siya.

Sinusulat ito, nasa ospital pa ang biktima na umanoy basag ang nguso, namamaga ang kaliwang bahagi ng mukha at mga pasa sa ibat-ibang parte ng katawan.

Dahil dito, pinakiusapan ni Natividad ang mga magulang ng iba pang mga kabataang sinasabing miyembro ng gang o mga out of school youth na kanyang ipinatawag sa kanyang tanggapan na ibalik sa eskuwela ang mga ito.

Pinangakuan ng alkalde na bibigyan ng laptop ang lahat ng papasok sa ALS habang babantayan niya ang pag-aaral at tutugunan ang mga kaukulang pangangailangan para maituwid ang kanilang landas.

Sinasabing nasangkot kamakailan ang ilang miyembro ng mga gang ng kabataan sa patayan, nakawan, rambulan at paggamit ng iligal na droga na agad inakayunan ng pamahalaang lungsod. Dick Mirasol III