Nene patay sa hambalos; bangkay nakita sa sagingan

Nene patay sa hambalos; bangkay nakita sa sagingan

October 18, 2022 @ 12:31 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Maagang binawian ng buhay ang isang 16-anyos na babaeng Grade 7 student sa Bukidnon matapos na hampasin umano ng matigas na bagay.

Kinilala ang biktima na si Arlene Manyag, ayon sa ulat ni GMA Regional TV.

Pasado alas-siyete ng umaga na nitong Linggo nang matagpuan ang bangkay ng biktima sa isang sagingan sa Purok 3, Kulasihan sa bayan ng Lantapan.

Lasog ang mukha ng biktima na halos hindi na makilala. Pinaniniwalaan namang hinampas ito ng matigas na bagay.

Anang pulisya na nagkaroon sila ng lead sa huling nakasama ng suspek nang pahintulutan ng ina ng biktima na buksan ang selpon nito at dito nakita kung sino ang huling nakausap at nakasama ni Arlene.

Sa hot pursuit operation ng mga pulis ay nahuli ang 22-anyos na suspek na kinilalang Emerson Dimas maging ang sinasabing kasama nito na si Romnick Baga, 18-anyos.

Inaalam pa ng pulisya kung hinalay ang biktima matapos patayin. RNT