Neneng nagdulot ng matinding pagbaha, 155 pamilya inilikas sa Cagayan

Neneng nagdulot ng matinding pagbaha, 155 pamilya inilikas sa Cagayan

October 16, 2022 @ 11:41 AM 2 months ago


MANILA, Philipines – Binaha ang maraming lugar sa probinsya ng Cagayan dulot ng Severe Tropical Storm Neneng na nananalasa ngayong Linggo, Oktubre 16 sa Hilagang Luzon.

Kabilang sa mga lugar na binaha ay ang national highway sa Barangay Centro East, Allacapan.

“Out of 16 barangays, mayroong totally na-flood at partially flooded. Mayroong lagpas tao ang baha. May ilan na nasa bubong na,” ani Department of the Interior and Local Government (DILG) officer Michael Villamin sa panayam ng DZBB nitong Linggo.

Mula kagabi pa umano ay nagsimula na ang pagtaas ng tubig baha.

Sa hiwalay na panayam, marami na ring lugar sa Aparri, Buguey at Santa Ana ang lubog sa baha ayon kay Cagayan Governor Manuel Mamba.

Nakapagsagawa naman na ng preemptive evacuation bago pa ang nangyaring pagbaha.

Dagdag ni Villamin, may natanggap din umano silang ulat ng dalawang landslide sa Santa Ana at nasira rin ang bangka ng ilang mga mangingisda.

“Dahil din sa epekto ng bagyong Maymay noon na nagdala rin ng mga pag-ulan sa loob ng halos isang linggo… Naipon ang tubig tapos sinabayan pa ng bagyong Neneng ngayon at nagkaroon pa ng high tide kaya may mga lugar na binaha,” aniya.

Sa inisyal na impormasyon, 155 pamilya ang pansamantalang tumutuloy sa mga evacuation center. RNT/JGC