NEUTRAL NA PINAS SA UKRAINE WAR, TAMA

NEUTRAL NA PINAS SA UKRAINE WAR, TAMA

March 21, 2022 @ 2:15 PM 3 months ago


HANGGANG ngayon wala pang nakatitiyak kung saan talaga pupunta ang giyerang Russia at Ukraine.

Sa pinakahuling mga ulat, nagpapadala ang United States, Britain, Germany at iba pa ng mga makabago at malalakas na armas sa Ukraine na kayang magpabagsak ng mga eroplano ng Russia at mangwasak sa mga tangke nito.

Nagpapadala na rin ang US ng mga sundalo nito sa paligid o malapit sa Russia gaya ng mga bansang Poland at Germany, kasama ang mga pwersang North Atlantic Treaty Organization, at maaaring pumasok sa Ukraine, magpatupad ng no fly zone at lumusob sa Russia?

Sa kabilang banda, sa unang pagkakataon, gumamit na ang Russia ng Kinzhal missile na sumira sa imbakan ng mga gamit military ng Ukraine sa Ivano-Frankivsk na malapit sa Romania.

May bilis na 10 beses sa bilis ng tunog (sound) o 12,000 kilometro sa isang oras.

Ang higit na nakatatakot, pwede itong kargahan ng nuclear bomb at matamaan nito ang target na 2,000 kilometro ang layo o distansyang Batanes-Davao City.

Hindi umano kayang salubungin at pasabugin ito ng anti-missile dahil sa bilis ng takbo nito at ipinuputok ito ng mga eroplano at kayang namang gibain maging ang mga nasa ilalim ng lupa na pinagtataguan ng tao o armas gaya ng nangyari sa Ivano-Frankivsk.

MGA NALILIGAW

Siguro matatandaan ninyo ang naligaw na may kargang bomba na drone na lumipad mula Ukraine at dumaan sa Romania at Hungary hanggang sa bumagsak sa Croatia.

May naligaw rin na missile ng India,  pumasok sa teritoryo ng Pakistan at sumabog din.

Paano kung may bombang nukleyar na nakakabit sa Kinzhal missile at maligaw sa labas ng Ukraine at babagsak sa ibang mga bansa?

Naging malamig lang ang ulo ng mga taga-Romania, Hungary at Croatia sa drone, gayundin ang India at Pakistan sa missile.

Ngunit magiging kalmado rin kaya ang mga bansang babagsakan ng bombang nukleyar mula sa Kinzhal missile o iba pang pagpapakawalan nito?

Magiging madali bang tanggapin ang rason na naligaw lang o nasira ang mekanismo ng missile o bombang nukleyar?

Sa bombang nukleyar, mga Bro, matutunaw ang lahat ng babagsakan nito: tao, gusali, halaman, hayop at patay na tayong lahat sa katandaan, naririyan pa rin ang lason ng bomba.

BANTANG NUCLEAR WAR

Nagbanta si Russia President Vladimir Putin na gagamit ito ng nuclear bomb kung may makikialam na ibang bansa sa giyerang Ukraine ngunit minaliit lang ito ni American President Joseph Biden.

Pero alalahaning sinasabi ni Putin na dalawang beses na gumamit ng bomba atomika ang United States sa Japan, partikular sa Nagasaki at Hiroshima noong 1945.

Nasa 1,000 mas mabagsik ang bombang nukleyar sa bomba atomika at sa salita ni Putin, kung nagawa ng US ang gumamit ng bomba atomika, magagawa rin nito ang magpakawala ng bombang nukleyar.

Hindi rin malayong gaganti o uunahan ng US ang Russia sa pagpapakawala ng bombang nukleyar.

Ang Pilipinas, ang mga lider natin, ano kaya ang mga pananaw nila?

Pinakamaigi ang paninindigan ni Pangulong Rodrigo Duterte na mag-neutral ang Pilipinas at isulong ang maayos at mapayapang pagsolba sa mga sigalot ng mga bansa.