‘News blackout’ sa kidnappings, kinuwestiyon sa Senado

‘News blackout’ sa kidnappings, kinuwestiyon sa Senado

September 14, 2022 @ 7:28 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Kuwestiyonable kay Sen. Grace Poe ang media blackout na ipinatutupad ng awtoridad sa lumolobong bilang ng insidente ng kidnapping sa bansa.

Sa pahayag, sinabi ni Poe na sa gitna ng takot at pag-aalala hinggil sa ulat ng pagdukot, walang opisyal at beripikadong impormasyon mula sa Philippine National Police (PNP) hinggil sa bagay na ito.

“Gusto naming malaman mismo sa PNP, ano bang nangyayari dito? Bakit nagkaroon ng news blackout?” ayon kay Poe sa interview.

“It needs to be verified from the authorities, either from the NBI (National Bureau of Investigation) or the PNP,” giit pa ni Poe.

Hiniling din ni Poe sa PNP na hindi dapat ipagwalang-bahala ang ulat ng mga concerned citizens at organisasyon na nagbabala hinggil sa pagdukot na maaaring simula pa lamang ng mas matinding krimen tulad ng prostitusiyon at human trafficking.

“Hindi nila pwedeng sabihin na kung hindi malawakan ay hindi importante,” giit n I Poe.

“Malawakan man o hindi, ‘pag nagkakaroon ng mga ganyang krimen ay dapat talaga tayong umaksyon,” aniya pa.

Kamakailan, inihain ni Poe ang Senate Resolution No. 195, na nananawagan ng legislative inquiry sa tumataas na bilang ng kaso ng pagdukot sa Metro Manila at Luzon.

Bukod sa official figures mula sa PNP, hiniling ni Poe ang paliwanag mula sa awtoridad sa tumataas na bilang ng pribadong armed security na ilang grupo.

Sinabi ni Poe na habang kailangan magkaroon ng sariling proteksiyon ang mamamayan, may regulasyon at limitasyon sa pagkuha ng bodyguard alinsunod sa umiiral na batas.

“Kung umasta sila, parang may private army na sila sa dami ng bodyguards nila…Siga na, eh,” ani Poe.

Nakatakdang simulant ang imbestigasyon sa Huwebes ng Senate committee on public order and dangerous na pinamumunuan ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa. Ernie Reyes