NFA warehouse inispeksyon ni PBBM

NFA warehouse inispeksyon ni PBBM

December 17, 2022 @ 2:15 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Nagsagawa ng “surprise inspection” si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa warehouse ng National Food Authority (NFA) sa Valenzuela City, araw ng Sabado.

Nais kasi ni Pangulong Marcos na personal na i-check ang suplay ng bigas.

At sa tanong kung sapat ang suplay ng bigas, sumagot si Pangulong Marcos sa mga mamamahayag na “Oo, mukha naman, so far. Nabawasan kasi, talagang binawasan natin ‘yung importation, doon natin kinukuha sa production. So okay, I think we’ll be alright.”

Gayunman, sinabi ni Pangulong Marcos na kailangan na mahigpit na i-monitor ang suplay ng bigas dahil makaaapekto sa produksyon ang “masamang panahon.”

“Pero, siyempre, kailangang bantayan nang husto iyan. ‘Pag tinamaan na naman tayo ng masamang weather, mararamdaman na naman natin ‘yan sa supply ng palay, ng bigas,” ayon sa Pangulo.

Si Pangulong Marcos ay umuupo rin bilang Agriculture secretary.

Wika ni Pangulong Marcos, nagpunta siya sa NFA warehouse dahil nais niyang personal na makita kung saan manggagaling ang bigas na nabibili sa Kadiwa stores.

“Nandito lang kami sa NFA warehouse kasi sa tanong — may nagtanong noong nasa Quezon City tayo, ‘yung supply ng Kadiwa ay baka mapatid, baka ma-ano, magkulang. Tinitignan ko kung saan manggagaling ‘yung supply na pinagbibili natin sa mga Kadiwa. So pinuntahan ko muna kung may laman naman ‘yung mga warehouse at merong parating pa nga,” ayon sa Punong Ehekutibo.

“This is already the season na naglalabas na ng bigas so tuloy-tuloy na siguro ito para naman matiyak natin na ang Kadiwa ay hindi mauubusan ng commodities na ipagbibili at a good price na P25,” dagdag na pahayag nito

Ukol naman sa suplay ng sibuyas, sinabi ng Pangulo na tinutugunan na ng gobyerno ang problema hinggil dito.

“Ang nangyayari ngayon is that we’re finding a way. Ang daming nahahanap ngayon na smuggler na kinukuha namin. As quickly as possible, naghahanap nga kami ng paraan kasi usually ‘yan kakasuhan mo pa bago i-auction. By the time i-auction mo ‘yan, wala na, sira na ‘yan. Kaya sabi ko hanap tayo ng paraan para mailabas kaagad, mailagay sa market lahat ‘yan. So ‘yun ang pinag-aaralan namin ngayon, anito.

“Baka by next week meron na tayong solution,” aniya pa rin

Tinatayang may P3.9 milyong halaga ng imported white onions na di umano’y smuggled ang nakumpiska ng mga awtoridad sa Divisoria, Maynila. Kris Jose