NGCP siniguro na walang brownout sa mga susunod na araw

NGCP siniguro na walang brownout sa mga susunod na araw

September 14, 2022 @ 6:38 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Siniguro ng National Grid Corporation of the Philippines na walang inaasahang brownout ang mararanasan sa mga susunod na araw.

Ito ang sinabi ng ahensya ngayong araw, Setyembre 14 dahil sa kasalukuyan ay nananatiling nasa “normal condition” ang Luzon grid.

Kasabay ng pagdinig ng Senate Committee on Energy, sinagot ni NGCP President at CEO Anthony Almeda ang tanong ng chairman ng panel na si Senator Raffy Tulfo kung nangangahulugan ba itong wala nang mararanasang rotational brownout ang mga konsumidores.

Tahasang sinagot ni Almeda na hindi na ito mararanasan at ang nangyari naman na ‘Red Alert’ status na itinaas noong Lunes, Setyembre 12 ay ‘normal disturbances’ lamang.

“The whole energy family are in discussion to work together to ensure that we have enough supply of our kuryente po, these are normal po, we make sure that everything is okay,” anang NGCP.

Matatandaan na noong Lunes ay isinailalim sa red alert status mula ala-una ng hapon hanggang alas-otso ng gabi ang Luzon power grid dahil sa isyu sa power plant nito. RNT/JGC