NHA nagkaloob ng bahay, lupa sa Bugkalot IPs sa N. Vizcaya

NHA nagkaloob ng bahay, lupa sa Bugkalot IPs sa N. Vizcaya

February 21, 2023 @ 7:20 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Nagkaloob ng 50 bahay at lupa ang National Housing Authority (NHA) at anim (6) na lot allocations para sa Indigenous Peoples ng Bugkalot Tribe sa Dupax Del Norte, Nueva Vizcaya noong February 17, 2023.

Bilang kinatawan ni NHA General Manager Joeben Tai, pinangunahan ni Region II & CAR II Manager Engr. Ferdinand C. Sales ang pamamahagi ng pabahay, Certificate of Eligibility of Lot Allocations (CELA) at paglagda sa Deed of Donation and Acceptance (DODA).

Nabatid na kasama sa naturang seremonya ay sina Dupax Del Norte Mayor Timothy Joseph E. Cayton, Vice Mayor Victorino V. Prado, Jr., National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) Provincial Officer Ronie P. Caanawan at Dr. Lasin Osingat mula rin sa NCIP.

Kaugnay nito ipinabatid ni GM Tai na ang Dupax Del Norte IP Housing Project ay isang patunay ds walang sawang pagsisikap ng NHA upang matugunan ang pangangailangang pabahay ng mga kapos-palad na pamilyang Pilipino.

“Umaasa po ako na sa ilalim ng aking pamumuno, matutugunan natin ang lahat ng pangangailangang pabahay, hindi lamang ng mga pamilyang IPs, ngunit lahat ng pamilyang Pilipinong walang tahanan,” dagdag pa ni GM Tai.

Samantala ang Dupax IP housing ay proyekto sa ilalim ng nilagdaang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng NHA, lokal na pamahalaan ng Dupax Del Norte, Bugkalot Tribe at ng (NCIP).

Ayon sa NHA ang mga naturang pabahay ay itinayo alinsunod sa mga nakagawian ng IPs tulad ng kanilang kultura, tradisyon, kabuhayan at kanilang mga paniniwala. Patuloy rin ang NHA na sumasangguni sa mga apektadong IP Community, NCIP, DENR at iba pang lokal na pamahalaan sa paghahanap ng angkop na lugar sa kanilangsariling lupain o teritoryo at malapit sa sakahan.

Mula sa naunang P10 milyong pondong nakalaan sa bawat IP Project, ito ay iniangat sa P20 milyon para sa pagsasaayos ng lupa, pagpapatayo ng mga pabahay at iba pang mga tulong-teknikal. Ang naturang pondo ay kaloob ng Local Government Units (LGUs) kaugnay ang National Commission for Indigenous Peoples (NCIP) at ng mga IP Community. Santi Celario