NIA magpapahiram ng water pumps sa mga magsasaka

NIA magpapahiram ng water pumps sa mga magsasaka

September 28, 2022 @ 6:24 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Magpapahiram ng mga centrifugal water pumps ang National Irrigation Administration (NIA) sa mga magsasaka bilang suporta sa pagsugpo ng food shortage na maidudulot ng pananalasa ng bagyong Karding.

Ito ang sinabi ni NIA Administrator Benny Antiporda kasabay ng public briefing ngayong Miyerkules, Setyembre 28.

“As of the situation, mukhang maaapektuhan na naman po ang ating food security dahil sa nangyaring bagyong ito. Ang gagawin po ng NIA is we will support farmers with centrifugal pumps, ito po ‘yung mga nilalagyan pa rin ng diesel as a temporary remedy dito sa magiging problema natin sa summer time, dahil alam naman po natin na maraming nasirang mga pananim ngayon,” ani Antiporda.

“We badly need it now,” dagdag pa niya.

Aniya, ang centrifugal pump ay mas matipid at masasakop ang malaking bahagi ng mga lupain ng mga magsasaka na nasa tatlo hanggang limang hektarya.

“Ito pong water pump na centrifugal, ito po ay hindi ibibigay, ito po ay ipapahiram lang dahil emergency. Pagkatapos ipahiram kukunin po uli ito, ililipat po ito sa ibang lugar habang wala pa ‘yung solar. Kapag andiyan na ang solar tatanggalin po iyan,” pagdidiin niya.

Matatandaan na nag-iwan rin ng malaking pinsala sa sektor ng agrikultura ang bagyong Karding na sa huling tala ng Department of Agriculture ay umabot na sa P160.1 milyon. RNT/JGC