NIA-UPRIIS Irrigators’ Association Congress, matagumpay

NIA-UPRIIS Irrigators’ Association Congress, matagumpay

October 6, 2022 @ 3:30 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Isinagawa ng National Irrigation Administration – Upper Pampanga River Integrated Irrigation Systems (NIA-UPRIIS) ang Irrigators’ Association Congress sa Mavin Event Center, San Leonardo, Nueva Ecija nitong Miyerkules, Oktubre 5.

Ganap na alas-8:30 ng umaga nang umpisahan ang Irrigators’ Association Congress na pinangunahan ni Department Manager, Engr. Rosalinda B. Bote. Isang masaya at malugod na pagbati ang kanyang inihayag mula sa humigit-kumulang 700 participants na pawang mga irrigators’ association officer na binubuo mh 146,000 na naseserbisyuhan ng UPRIIS.

Sinabi ni Bote na isang karangalan umano ang mai-welcome ang irrigators’ association ng iba’t ibang lugar sa pamumuno ng bagong talagang NIA Administrator “the action man” Mr. Benny D. Antiporda.

Sinabi rin nito na ang ginanap na IA congress ay patunay lamang ng pagpapatuloy ng UPRIIS sa mandato ng ahensya na tulungan ang mga magsasaka bilang katuwang sa pagsusulong sa mas mataas na agricultural productivity sa mga lugar. Marapat lamang umano na idaos ang nabatid na IA congress para maihatid sa kaalaman ng mga magsasaka ang mga proyekto ng NIA para sa kanila.

Sa mensahe naman ni action man, NIA Administrator Benny D. Antiporda, binigkas nito na, “Tama na po ang panahon na ipinamamana natin sa ating mga susunod na administrasyon o susunod na henerasyon ang problema. Siguro oras na para ipamana naman natin sa kanila ay solusyon.”

Nagbigay rin ng pagbati si Governor Aurelio “Oyie” M. Umali sa katauhan ni Vice Governor, Doc. Anthony M. Umali. Ayon sa bise gobernador, hangad niya na makaahon sa unos na dulot ng bagyong Karding ang mga sinalanta. Sinabi rin ng opisyal na malaking hamon ang nakadugtong sa titulo na Rice Granary of the Philippines sa lalawigan ng Nueva Ecija, na hindi lamang tungkol sa mga magsasaka, sa mga makinarya o mga pataba, maging presyo ng palay at iba pa. Malaki rin umano ang bahagi ng daluyan ng tubig sa usaping agrikultura. Binanggit niya na ang pagsisiguro sa tubig na dadaloy ay magiging kapaki-pakinabang sa mga magsasaka at nagdudulot ng magandang ani sa panahon ng pagsasaka.

Pinuri naman ni Vice Governor Umali si Administrator Antiporda dahil bukod umano sa pagiging Action Man nito ay matatawag din itong “Mr. Expose” dahil sa angkin nitong tapang at wala umanong inuurungan. Sigurado umanong tutuklasin ang katotohanan at binibigyan niya ng nararapat na solusyon ang mga hamon.

Sa bandang huli, sinabi ni Vice Gov. Umali na maaasahan aniya ang Pamahalaang Panlalawigan sa pangunguna ni Governor Oyie Umali na laging katuwang sa layuning pagkakaisa para sa magandang bukas. Elsa Navallo