Nigerian na pastor timbog sa P4M droga

Nigerian na pastor timbog sa P4M droga

April 29, 2022 @ 10:43 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Timbog ang isang Nigerian national na nagpakilalang isang pastor sa P4 milyon halaga ng shabu.

Kinilala ang dayuhan na si Ubatuegwu, nagpakilalang pastor ng isang Christian church sa Las Piñas na inaresto Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Inter-Agency Interdiction Task Group nitong Huwebes.

Sa imbestigasyon, isang parcel na mula Lao PDR na ideneklarang electric steamer ang nabuking na shabu pala ang laman nang siyasatin ng awtoridad. Aabot ito sa  588 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P4 milyon.

Para mahuli ang suspek, itinuloy nila ang pagpapadala sa parcel sa nakasulat na address ng tatanggap nito. Isang babae ang kumuha rito sa harap mismo ng simbahan kung saan nakatira ang pastor na Nigerian.

Sa imbestigasyon, iginiit ng babae na tumanggap sa parcel na napag-utusan lang siya ng girlfriend ng pastor sa kunin ang parcel.

Sa kabilang banda, sinabi ni Ubatuegwu na wala siyang kaalam-alam na may laman na droga ang parcel.

Iniimbestigahan naman kung kabilang sa West African Syndicate si Ubatuegwu. RNT