Nigerian na wanted sa credit card fraud, cybercrimes nabingwit ng BI

Nigerian na wanted sa credit card fraud, cybercrimes nabingwit ng BI

March 11, 2022 @ 2:00 PM 4 months ago


MANILA, Philippines – Nasa kustodiya ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Nigerian national na nauna nang naaresto at ikinulong dalawang taon na ang nakakaraan makaraang masangkot sa credit card fraud and cyber-crime activities.

Sa ulat kay Immigration Commissioner Jaime Morente, kinilala ng fugitive search unit (FSU) ng BI ang Nigerian national na si Emmanuel Obi Nwadkure, 26, na inaresto sa Hall of Justice bldg. sa Muntinlupa City.

Ang FSU ay armado ng mission order na inisyu ni Morente na isinilbi sa Nigerian nang dumalo ito sa naganap na pagdinig sa Muntinlupa City regional trial court.

Sinabi ni BI-FSU acting chief Rendel Ryan Sy na kinakailangan na nasa kustodiya nila ang Nigerian para masiguro na hindi tatakas o magtatago habang dinidinig ang kaso laban sa kanya.

Sinabi pa ni Sy ay pinayagan mag-piyansa ang dayuhan kaya pinakawalan sa kustodiya ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).

Paliwanag ni Sy na sa kasalukuyang batas, ang isang dayuhan na may pending criminal case at nakalaya dahil sa piyansa ay kinakailangan ilipat sa kustodiya ng BI bilang bahagi ng deportation proceedings.

Sa datos, ang Nigerian national ay overstaying na, kung saan inaresto noong Set. 8, 2020 ng mga ahente ng anti-cybercrime unit ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa paglabag sa Republic Act 8484 o Access Devices Regulation Act of 1998. Jay Reyes