NIKKEI VS BLOOMBERG SA LABAN NG PINAS SA COVID

NIKKEI VS BLOOMBERG SA LABAN NG PINAS SA COVID

December 8, 2021 @ 7:17 PM 10 months ago


ANO kaya ang masasabi ngayon ng Bloomberg News sa inilabas ng Nikkei Asia na malaki ang tagumpay ng Pilipinas sa giyera laban sa coronavirus disease-19?

Sa nagdaang dalawang buwan, iniuulat ng Bloomberg News na laging kulelat ang mahal kong Pinas sa 54 bansa na sinusubaybayan nito ukol sa usapin.

Ngayon naman, iniuulat ng Nikkei Asia na nasa pang-57 mula sa 122 bansa ang ranggo ng Pilipinas.

Hindi kulelat kundi nilagpasan ng Pilipinas ang mahigit kalahati ng nasabing bilang ng mga bansa sa laban.

At ang maganda, kinalap muna ng Nikkei Asia ang mga rekord ng Our World in Data; Google COVID-19 Community Mobility Reports; Oxford COVID-19 Government Response Tracker, Cirium at sarili nitong research bago naglabas ng ulat.

MABILIS NA NAGBAGO

Ayon sa Nikkei Asia, noong Hulyo, pang-108 ang ating bansa; pang-106 noong Agosto; pang-121 noong Setyembre; pang-103 nitong Oktubre; at ngayon nga, pang-57, kasama ang Norway, Malaysia at Tajikistan.

Ang hindi lang maganda na rekord, 9% umano sa mga nagkakasakit ang namamatay at pangalawa tayo sa may pinakamaraming namamatay.

Magkagayunman, nitong mga araw Disyembre, kakaunti lamang ang namamatay at kung naglalaro man sa 100-200 araw-araw, kasama sa mga iniuulat ng DOH ang mga nauna nang namatay sa nakaraang mga buwan.

Hindi rin tayo nahahanay, halimbawa, sa United States at Russia na nasa katamtamang 1,300 ang namamatay araw-araw at hindi rin natin katumbas ang iba pang bansa na namamatayan ng nasa 200-500 araw-araw gaya ng India, Brazil, Germany, Poland, Turkey, Ukraine at Mexico.

PANINIRA SA PULITIKA

Kung pakikinggan ang mga politiko na katunggali ng pamahalaang Duterte, may mga nagsasabing pinakamasahol sa kabiguan ng huli ang laban nito sa giyera sa COVID-19.

Subalit, kung tutuusin, nakatuon lang ang mata ng mga ito sa iniimbestigahang P8 bilyong anomalya umano sa personal protective equipment ng Pharmally na napakaliit kumpara, halimbawa, sa ipinambili sa mga bakuna ng pamahalaan na nasa P140 bilyon at nagiging kapaki-pakinabang sa lahat.

Minsan na ring isinama na umano’y maanomalya ang pambili ng bakuna subalit tumahimik ang mga ito sa masinsinang pagsusuri rito.

Iba pa ang malalaki ring gastos ng pamahalaan sa pamamahagi ng mga bakuna, pagkalap ng mga tao ng magbakuna at mga PPE na labas sa kontrata ng Pharmally.

Kumpara sa pagbili ng bakuna, mas malaki pang pinagkagastusan ng pamahalaan ang pamimigay ng ayuda na bagama’t may nagrereklamo, higit na marami ang nakikinabang, lalo’t kasali sa pamimigay ang mga local government unit.

Ang isang malaking kataungan sa mga naninira sa responde ng pamahalaan sa COVId-19 ay ito: Ano-ano ang ginawa nila upang makatulong sa giyera sa pandemya sa halip na sumilip ng pagkakamali ng pamahalaan at palobohin ang mga ito sa mata ng sambayanan kahit na sa totoo ay maliit lang?

Ang kanilang pakikipagtulungan ang inaasahan ng buong bayan sa halip na manira nang manira.