Nitso ginawang hithitan ng 3 bagets

Nitso ginawang hithitan ng 3 bagets

July 24, 2018 @ 5:36 PM 5 years ago


 

Caloocan City – Arestado ang tatlong kabataan kabilang ang dalawang menor-de edad matapos mahuli sa aktong nagpa-pot-session sa loob ng bakanteng nitso sa Caloocan City.

Kinilala ang naarestong suspek na si Red Reyes, 18-anyos habang hindi na muna pinangalanan ang dalawa na kapwa 16-anyos.

Sa tinanggap na ulat ni Senior Insp. Dave Anthony Capurcos, ang hepe ng Caloocan Police Community Precinct (PCP) 2, dakong alas-7:30 ng gabi nang makatanggap ng sumbong ang pulisya kaugnay sa umaalingasaw na amoy ng marijuana sa isang bahagi ng Laloma Cemetery sa 2nd Avenue BMBA Compound.

Kaagad nagtungo sa naturang lugar ang mga pulis upang beripikahin ang sumbong na nagresulta sa pagkakadakip sa tatlo habang bumabatak ng marijuana sa isang bakanteng nitso sa loob ng naturang pampublikong Kampo Santo.

Nakuha ng pulisya sa mga suspek ang isang bukas ng plastic sachet na naglalaman pa ng pinatuyong dahon ng marijuana at mga drug paraphernalia.

Dinala ng mga tauhan ng PCP-2 ang mga nadakip na kabataan, pati na ang mga nakumpiska sa kanilang marijuana at paraphernalia para sa pagsasampa ng kaukulang kaso. (Rene Manahan)