No. 1 most wanted person ng Valenzuela, arestado

No. 1 most wanted person ng Valenzuela, arestado

September 13, 2022 @ 5:30 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Shoot sa kulungan ang isang kelot na nakalista bilang no. 1 most wanted ng Valenzuela City dahil sa kasong rape matapos mabitag sa isinagawang manhunt operation ng pulisya.

Kinilala ni Valenzuela Police P/Col. Salvadro Destura Jr., ang naarestong akusado bilang si Jovan Lopez, alyas “Van”, 18-anyos ng Barangay Lingunan.

Base kay Col. Destura, nakatanggap ang mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Valenzuela Police na naispatan ang akusado sa Brgy. Veinte Reales at agad na nagsagawa ng validation upang makumpirma ang natanggap na impormasyon.

Nang positibo ang natanggap na impormasyon, mabilis na nagsagawa ang mga tauhan ng WSS sa pangunguna ni PLT Robin Santos ng manhunt operation na nagresulta sa pagkakaaresto kay Lopez sa kahabaan ng Skyline St., Brgy. Veinte Reales.

Si Lopez ay dinakip sa bisa ng warrant of arrest na inisyu noong Agosto 2, 2022 ni Presiding Judge Mateo Altarejos ng Valenzuela City Family Court Branch 16 para sa kasong Rape at walang inirekomendang piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan. R.A Marquez