No. 1 TMWP sa Region 2, arestado!

No. 1 TMWP sa Region 2, arestado!

December 8, 2022 @ 10:30 AM 2 months ago


CAUAYAN CITY, ISABELA- Naghihimas na ng rehas na bakal ang tinaguriang number 1 Top Most Wanted Person o TMWP sa buong Region 2 sa kasong rape matapos na mahuli ng kapulisan dito sa nasabing lungsod.

Sa ipinarating na ulat ni PLtCol. Sherwin Cuntapay, hepe ng Cauayan City Police Station kay PCol. Julio R. Go, Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office o IPPO, kinilala ang akusadong si Aniceto Gabino, 40-anyos at residente ng Barangay Amobocan, Cauayan City, Isabela.

Sa bisa ng mandamiento de aresto na inisyu ni Hon. Ariel Managuelod, Presiding Judge mg RTC Br 40, Cauayan City, Isabela ay inaresto si Gabino ng pinagsanib-pwersa ng Cauayan City Police Station (lead unit) PIU, RIU2 at Isabela Provincial Highway Patrol Team ng isilbi ang warrant of arrest ng nasabing akusado.

Batay sa isinilbing mandamiento de aresto ay limang bilang ng kasong panggagahasa o Rape na naitala sa kasong kriminal bilang 40-14468 hanggang 14472 na walang inirekomendang piyansa ang hukuman para sa pansamantalang kalayaan ni Gabino.

Kaugnay nito pinuri PCol. Go, ang hanay ng kapulisan lalo ang pamunuan ni PLtCol. Cuntapay sa matagumpay na pag-aresto sa akusado para mabigyan ng hustisya ang biktima.

Pansamantala, nasa kustodiya ng pulisya ang akusado para sa kaukulang dokumentasyon at tamang disposisyon bago ipasakamay sa korteng pinagmulan. Rey Velasco