No. 10 most wanted na menor-de-edad, arestado sa Muntinlupa

No. 10 most wanted na menor-de-edad, arestado sa Muntinlupa

March 14, 2023 @ 10:58 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Isang 16-taong-gulang na lalaki na naitalang no. 10 most wanted person sa unang quarter ng 2023 ang nadakip ng mga operatiba ng Muntinlupa City police nitong Lunes (Marso 13).

Ayon sa Muntinlupa City police, sa bisa ng warrant of arrest ay nadakip sa Alabang Viaduct, Barangay Alabang ang menor-de-edad na tinaguriang child in conflict with the law o CICL.

Ang warrant of arrest na nilagdaan ni Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Philip Acosta Aguinaldo ng Branch 207 nitong Marso 6 ay inisyu laban sa menor-de-edad kung saan naglabas din ng kautusan sa pagbabayad ng kanyang piyansa na nagkakahalaga ng P120,000 para sa pansamantalang kalayaan.

Nahaharap sa kasong kriminal na qualified possession of a small arm under Republic Act 10591 (Comprehensive Firearm and Ammunition Regulation Act).

Nai-turnover na ng Muntinlupa City police ang inarestong menor-de-edad sa Muntinlupa Social Service Department’s (SSD) Bahay Pag-asa sa Barangay Tunasan habang naghihintay ng paglalabas ng commitment order na manggagaling sa korte. James I. Catapusan