No. 2 most wanted nadakma sa Las Pinas

No. 2 most wanted nadakma sa Las Pinas

October 19, 2022 @ 12:51 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Arestado ng mga tauhan ng Southern Police District-District Anti-Carnapping Unit (SPD-DACU) ang isang suspect na nahaharap sa patung-patong na kaso sa Las Piñas City.

Kinilala ni SPD director P/Brig. Gen. Kirby John Brion Kraft ang inarestong suspect na si Jhonvie Quiñanola, 22-anyos.

Base sa report na natanggap ni Kraft, naisagawa ang pag-aresto kay Quiñanola dakong alas 10:40 ng umaga sa Miranda Compound, Barangay Zapote, Las Piñas City.

Ayon kay Kraft, habang nagsasagawa ng anti-criminality operation ang mga tauhan ng DACU ay nakatanggap ang mga ito ng impormasyon sa kinaroroonan ni Quiñanola na nahaharap sa mga kasong rape at acts of lasciviousness.

Sinabi ni Kraft na agad na tinungo ng mga tauhan ng DACU ang kinaroroonan ng suspect kung saan nakita ito at isinilbi ang warrant of arrest na inisyu laban sa kanya ni Las Piñas City Family Court Judge Mildred Jacinto Marquez ng Branch 2 dahil sa 2 counts ng rape na walang inirekomendang piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan.

Idinagdag pa ni Kraft na bukod sa kasong rape ay nag-isyu din si Marquez ng isa pang warrant of arrest laban sa suspect dahil sa act of lasciviousness na mayroon namang piyansa katumbas na piyansang P200,000 para sa kanyang pansamantalang kalayaan.

Kasalukuyang namang nakapiit sa custodial facility ng Las Piñas City police ang suspect upang harapin ang mga kasong isinampa laban sa kanya. James I. Catapusan