No. 3 Top Most Wanted Person ng Malabon, nabitag

No. 3 Top Most Wanted Person ng Malabon, nabitag

April 27, 2022 @ 12:15 PM 2 months ago


MALABON – Nasakote ng mga tauhan ng Northern Police District Special Operation Unit (DSOU) sa isinagawang manhunt operation ang no. 3 top most wanted person ng Malabon City dahil sa kasong murder, kamakalawa ng umaga.

Kinilala ni DSOU-NPD chief PLt. Col. Jay Dimaandal ang naarestong akusado na si Jonathan Gadon alyas “Pimpoy”, 32 ng  Pinagsabugan St. Brgy Longos , Malabon City.

Ayon kay Dimaandal, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa NDIT RIU NCR na naispatan ang akusado sa kanilang lugar na naging dahilan upang magpadala siya ng kanyang mga tauhan sa naturang lugar upang alamin kung totoo ang nasabing ulat.

Nang positibo ang impormasyon, bumuo ng team ang DSOU sa pangunguna ni PCAPT Melito Pabon, kasama ang Malabon Police Sub Station 4 saka ikinisa ang manhunt operation na nagresulta sa pagkakaaresto kay Gadon dakong alas-9:30 ng umaga malapit sa kanilang bahay.

Ang akusado ay dinakip sa bisa ng warrant of arrest na inisyu noong February 18, 2019 ni Hon. Catherine Therese M. Tagle-Salvador presiding Judge nh Branch 73 RTC Malabon City para sa kasong Murder at walang inirekomendang piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan.

Ani PCpl Josefino Estacio II, ang matagumpay na pagkakaaresto sa akusado ay sa pamamagitan ng patnubay at matatag na pamumuno ng bagong NPD Director na si PBGEN Ulysses Cruz para paigtingin ang manhunt kontra sa mga wanted person sa NPD area. Boysan Buenaventura