‘No age limit’ sa AYUDA program ng DPWH – opisyal

‘No age limit’ sa AYUDA program ng DPWH – opisyal

December 9, 2021 @ 7:47 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Bubuksan ng Public Works Department ang Assistance to Youth and Unemployed for Development and Advancement o AYUDA program nito sa lahat ng mga adult o matatanda o nasa hustong gulang kabilang na ang mga senior citizens.

Layon ng proyekto na tulungan ang 10,000 manggagawa na nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 pandemic.

“‘Yung mga at least 18 years old na meron nang sapat na karunungan sa pagtanggap ng [mga] instruksyon,” ayon kay DPWH Acting Secretary Roger Mercado bilang tugon sa tanong kung sinu-sino ang mga kuwalipikado sa “AYUDA” program.

“Maski senior citizen na mga 60, basta, kaya pa, [tutulungan] natin,” dagdag na pahayag nito.

Ang magiging trabaho aniya ng mga ito ay street sweepers, street signs cleaners, garbage collectors o basurero; o nagpipintura ng concrete barriers, kung saan ang ang magiging sahod ay ₱550 kada araw.

Ang mga benepisaryo ay ikukunsiderang Job Order workers o iyong mayroong “intermittent or emergency jobs.”

Ang AYUDA program ay ipatutupad ng 16 regional offices at 189 district engineering offices ng DPWH sa buong bansa.

Layon din nito na tugunan ang naka-aalarmang unemployment rate sa bansa.

“It’s a double effect program to provide employment at support sa mga unemployed, and at the same time, help our maintenance people clean our highways,” ayon kay Mercado.

Wala namang isusumiteng kahit na anumang requirements ang mga benepisaryo maliban lamang sa kanilang residence certificate o valid ID.

Binigyang diin ni Mercado na ayaw nila ng anumang ‘inconvenience’ mula sa mga taong nangangailangan ng kanilang tulong.

Ang mga aplikante ay maaaring magtungo sa kahit na anumang regional o district engineering offices ng DPWH. Kris Jose