NO BAKUNA? NO BIYAHE, NO TSIBUG, NO TRABAHO!

NO BAKUNA? NO BIYAHE, NO TSIBUG, NO TRABAHO!

January 17, 2022 @ 10:41 AM 7 months ago


KAHIT saang sulok ng bansa ngayon, grabe ang pag-atake ng COVID-19, lalo na ang Omicron at Delta variant nito.

Hindi tulad noong 2020 at unang mga buwan ng 2021 na wala pang Omicron at Delta, ngayo’y ang dami, pami-pamilya at magkakapitbahay na ang nagkakasakit nang sabay-sabay.

Mula Enero 11, 2021 na may nagka-COVID na 27,943, ngayon, umakyat na ang bilang ng mga ito sa 38,867 nitong Sabado.

Hindi lang ‘yan, hindi biro ang dami rin ng mga namamatay na naglalaro sa 50-218 katao araw-araw mula rin noong Enero 11.

Pero ito ang isa sa mga natatangi: Mga hindi bakunado ang bumubuo ng 83 porsyento sa mga naoospital at 95 porsyento sa mga namamatay, ayon na rin sa Department of Health.

BAKUNA, PINAKAMABISA VS COVID

Alam na ng lahat na ang sari-saring bakuna ang pinakamabisang panlaban sa COVID at sa pandemyang nililikha nito.

Sa ating bansa, meron na tayong natanggap at ginagamit na bakuna na nasa 220 milyong dose at sapat na para mabakunahan nang doble ang nasa 100 milyong Pinoy.

Meron nang doble bakunado na 54.5 milyon habang nasa 56M ang isahan.

Kung sa loob ng dalawang buwan ay makumpleto ang doble bakuna sa 56M, mas ligtas na ang karamihan sa atin sa pagkakaospital at kamatayan.

Magkagayunman, maituturing lang na doble bakunado ang naturukan nang pangalawa at nakapagpalpas ng dalawang linggo.

MGA HINDI BAKUNADO

Isinasama na sa mga hindi maituturing na bakunado ang milyones na may anim na buwan nang may doble bakuna ngunit walang booster shot o pangatlong turok.

Hindi rin maituturing na bakunado ang isa pa lang ang bakuna at kahit nga may doble bakuna na, kung hindi pa lumilipas ang dalawang linggo makaraan nito, hindi pa rin ito doble bakunado.

Gayunman, kinokonsidera na bakunado sa pagkakaroon na ng natural na immunity ang mga nagka-COVID ngunit nakaligtas sa kamatayan.

Sa ibang salita, mga Bro, milyon-milyon ang maituturing na hindi bakunado.

NO BIYAHE, TSIBUG, TRABAHO

Silang mga hindi bakunado ang tatamaan ng patakarang No bakuna, No biyahe, No tsibug, No trabaho at iba pang No… magsimula sa araw na ito, Enero 17, 2022.

Sa biyahe, bawal sumakay sa lahat ng pampublikong sasakyan, kasama ang eroplano, tren, barko at bangka.

Kung pribado ang sasakyan mo, hindi ka rin basta makalusot dahil may harangan sa mga bawndary ng mga lungsod, bayan at lalawigan.

Bawal ding kumain sa loob at labas ng mga restoran at bawal ding pumasok sa trabaho.

Pero tinatanggap ang mga may negatibong resulta sa reverse transcription polymerase chain reaction o antigen test kung wala ang una.

Pero wala pang huhulihin at pagmumultahin kundi pauuwiin sila sa kani-kanilang mga tahanan o pinanggalingan, kasabay ng katakot-takot na paliwanagan, sa loob ng isang linggo.

MAGPABAKUNA

Para makalaya tayo sa mga patakarang NO… na proteksyon ng lahat laban sa COVID, dapat tayong magpabakuna.

Dapat ninyong malaman na may mga bahay-bahay nang pagbabakuna o kaya’y bara-barangay.

Sumali po tayo lahat dito.