NO CONTACT APPREHENSION AT LABAN SA KAGUTUMAN

NO CONTACT APPREHENSION AT LABAN SA KAGUTUMAN

August 18, 2022 @ 11:51 AM 2 months ago


MAGAGANDANG pangyayari ang nagaganap ukol sa no contact apprehension policy (NCAP) ng ilang Local Government Unit at Land Transportation Office at ang posibleng pagpospon ng halalang pam-Barangay Council at Sangguniang Kabataan.

Umaaksyon na ang Supreme Court sa petition laban sa NCAP na isinampa ng mga organisasyon ng mga driver at operator ng mga pampublikong sasakyan.

Sa Kamara naman, pinaburan na ng nakararaming kongresman ang panukalang ipospon ang halalang B/SK.

GUTOM AT LIMPAK-LIMPAK NA KITA

Aminin man o hindi ng mga LGU, limpak-limpak na salapi ang kanilang kinikita sa pagpapatupad ng NCAP.

Napakamamahal ang mga multa na iba-iba ang halaga dahil depende sa ordinansang pinaiiral ng mga LGU ngunit sinasabing namang wala sa LTO kundi nadaragdagan lang ng trabaho bilang tagasingil.

Mula sa halagang P300 hanggang sa P2,500 sa bawat umano’y paglabag, pwera pa ang pangangatwiran ng mga tsuper na inililistang “disobedience to authority” ng mga traffic enforcer, paldong-paldo ang bulsa ng mga LGU.

Libo-libo bawat araw ang hinuhuli at pinagbabayad na “violator” na wala ni anomang karapatang magreklamo.

Dahil dito, sa halip na may maiuwi ang mga tsuper na pambili ng pagkain at iba pang pangangailangan para sa kanilang sarili at pamilya, kinakayod lahat ng mga LGU ang kanilang mga kita.

Kulapulan pa ng napakamamahal na gasolina at krudo, gutom ang ibinibunga ng NCAP.

PINASASAGOT SILA

Kabilang sa mga nagsampa ng reklamo laban sa NCAP ang mga kasapi ng Pasang Masda, Kapit, Altodap, Acto at idinawit ang mga LGU na nagpapairal nito gaya ng Maynila, Valenzuela, Quezon City, Paranaque at Muntinlupa.

Pinatitigil na rin ang NCAP sa pamamagitan ng Temporary Restraining Order ngunit hindi naglabas kaagad ang SC at sa halip, binigyan ang mga LGU ng pagkakataon muna na sumagoot, kasama na maging ang LTO.

Mabuting sa hukuman isinampa ang reklamo sa halip na daanin ito sa mga rally at marahas na paraan sa mga lansangan, gaya ng ginagawa ng iba na wala na yatang ginawa kundi daanin lahat sa magulong paraan.

Inaasahan naman nating magiging patas ang Hukuman at mabibigyan ang magkabilang panig ng makatarungang desisyon.

GUTOM DAPAT MAPAWI

Para sa ating Uzi, mga Bro, nakatatakot na mauwi sa gutom ng libo-libong tao o milyong mamamayan ang malaking pinagkakakitaan ng pamahalaan.

Totoong makapipigil sa korapsyon sa lansangan ang NCAP, subalit sa laki ng mga multa na umaabot sa P50,000 hanggang P100,000 sa loob ng isang buwan para lang sa isang tsuper o operator, gutom at matinding paghihirap tiyak ang kahulugan niyan.

Inilalarawan din ang problema ng kawalan ng disiplina o kaignorantehan ng maraming tsuper sa mga batas sa lansangan.

Pero maraming pagkakataon namang depektibo ang mga traffic light o kaya’y magulo ang takbo ng mga sasakyan dahil sa hindi maayos na sistema ng transportasyon sa mga nasabing lungsod.

Siguro, magandang tandaan ang kasabihan noon ni nasirang Pangulong Ramon Magsaysay na “hindi baleng malugi ang gobyerno, huwag lang magutom ang tao.”