No-El sa 2019, mas praktikal – Speaker Alvarez

No-El sa 2019, mas praktikal – Speaker Alvarez

July 11, 2018 @ 2:32 PM 5 years ago


 

Manila, Philippines – Mas pabor si House Speaker Pantaleon Alvarez na huwag nang magdaos ng eleksyon sa 2019 upang bigyang daan ang transition para sa panukalang Federal government.

Sa isang press conference inamin ni Alvarez na sa ngayon ay wala pang nakakaalam kung magkakaroon ng eleksyon sa 2019 o wala, bagamat mayroong nakaiskedyul ay magiging depende pa rin umano ito sa kung ano ang nais na bigyan ng prayoridad ngunit kung siya ang masusunud ay No Election scenario ang nararapat para maisulong ang Charter Charter.

“Kung gugustuhin na matapos ang Cha-Cha ay makabubuting huwag munang mag-eleksyon para hindi naman masabing minadali o bara-bara lang ang pagkakapasa nito”paliwanag ni Alvarez.

Kung titignan umano ang iskedyul ng Kamara ay malabong maisingit pa ang Cha-Cha maliban na lamang kung gagawin itong prayoridad at hindi na itutuloy ang 2019 election.

“Kung ako tatanungin, be objective pag-aralan ang kalendaryo, may SONA, pagkatapos hearing na sa 2019 budget, sa Oktubre magfile na ng Certificate of Candidacy, tapos magpapasko ay mahaba ang bakasyon tapos sa Pebrero ay kampanya na. Paano pa gagawin yung proposal sa Cha-Cha, kung gusto natin matapos ‘yan pag-aralan mabuti ang timetable” pahayag ni Alvarez.

Dagdag pa nito na kung magkakaroon ng halalan sa 2019 ay kakailanganin ng mga mambabatas na mangampanya kaya ang resulta ay mawawalan ng quorum sa Mababang Kapulungan na tiyak na mabibitin lalo ang Cha-Cha.

“kung prayoridad ang Cha-Cha ay dapat mag-focus dito ang Kongreso” giit pa ni Alvarez.

Sinabi naman ni House Majority Leader Rodolfo Fariñas na maging ang Constitutional Commission na binuo ni Pangulong Rodrigo Duterte ay inabot ng 4 na buwan para matapos ang kanilang draft report kaya asahan nang matrabaho ito sa oras na maisalang sa Kamara. (Gail Mendoza)