No-El scenario matinding tinutulan ni Poe

No-El scenario matinding tinutulan ni Poe

July 12, 2018 @ 2:26 PM 4 years ago


Manila, Philippines – Matinding tinutulan kahapon ni Senador Grace Poe ang planong ipagpaliban ang 2019 mid-terms election dahil bukod sa labag sa Saligang Batas, hindi papayagan ng Senado ang pagkansela.

Sa isang panayam sa telebisyon nitong Huwebes, Hulyo 12, sinabi ni Poe na anumang galaw para madaliin ang binabalak na pederal na pamahalaan ay hindi tatanggapin ng publiko.

“The Constitution specifically states when we are going to have the elections and 2019 is certainly an election year. You can probably amend the Constitution but even if you do, you need the Senate vote,” ani ni Poe sa gitna ng matinding pagtutulak ng administrasyon sa pederalismo.

Pinalutang ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang ideya na walang magaganap na eleksyon sa pagsasabing mahalagang tanggalin ang botohan sa Mayo 2019 para makagawa ng madaling daan para sa pederalismo.
Sabi ni Poe, “There’s the Senate that he has to deal with.”

Iginiit ni Poe na anumang galaw ng Kamara at nangangailangan ng pagsang-ayon ng Senado.

“I don’t think so [Senate accepting] and the public should not accept this… Pero hindi nila talaga puwedeng gawing no election,” sabi niya.

Ayon sa mambabatas, bicameral ang Kongreso sa kalikasan nito kaya ang Kamara, sa proseso ng paggawa ng batas, at hindi maaaring magpasa ng panukalang batas sa sarili nito kaya kinakailangan pa rin ang boto ng Senado.

“Something as crucial as this, you are voting jointly? I don’t think that is the intention of the framers (of the 1987 Constitution).”

“Kahit na palitan pa nila ‘yan sa House, kailangan pa rin ng approval ng Senate. At kami, reasonable naman kami ng mga kasama ko, sa tingin ko naman, we don’t want to railroad this issue. It gives a bad impression about our country. What are we trying to do?” sabi ni Poe.

Nang tanungin siya kung nag-aalala ba siyang sa pangunguna ng mga kaalyado ng administrasyon ay gagawing constituent assembly ang Kongreso para bumoto sa draft Charter sa pagtatalumpati ng Pangulo, ito ang sagot ni Poe.

“What message are they trying to send? Kung gagawin nila iyon, halatang-halata sa taumbayan na may ginagawa silang kalokohan. Bakit nila idadaan doon? If they really believe in their proposed Charter, why would they pull these kinds of stunts?”

“Make it go through the proper process. ‘Pag pinagdebatehan ‘yan ng both houses of Congress, kailangan pa rin dumaan sa plebisito. Sa bandang huli, ang taumbayan pa rin ang boboto: Payag ba sila diyan o hindi?” ani Poe. (Ernie Reyes)