No-El, tablado kay Speaker Arroyo

No-El, tablado kay Speaker Arroyo

July 26, 2018 @ 1:53 PM 5 years ago


 

Manila, Philippines – Hindi susuportahan ng bagong majority coalition sa Kamara sa ilalim ng liderato ni House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo ang anumang panukala para sa No-El sa 2019.

Sinabi ito ni 1-Pacman Partylist Rep. Mikee Romero at aniya’y ginagarantiyahan ng mga kongresistang sumuporta kay GMA na tuloy ang halalan sa susunod na taon.

“Even Speaker GMA will not support it (no election), this will be her last term (as congresswoman). Magkakaroon po ng election by May, sigurado iyan,” ani Romero.

Ayon sa kongresista, isang malaking pagkakamali ang mga pahayag ni dating House Speaker Pantaleon Alvarez na maisasatuparan umano ang Charter Change kung hindi magkakaroon ng eleksyon.

“Maraming di natutuwa especially ‘yung ‘No-El. That is one of the issues na naging problema.”

Magkagayunman, siniguro ni Romero na susuportahan ng mga partido na kaalyado ni CGMA ang panukalang pagpapalit ng porma ng gobyerno tungo sa Pederalismo dahil ito ay isa sa pangunahing agenda ni Pangulong Duterte.

“Iyong federalism po, we will push for it. No elections, hindi namin isusulong,” dagdag pa ni Romero.

Ang pag-ayaw aniya ni CGMA sa ideya ng pagpapaliban ng eleksyon ang dahilan kung bakit nila sinuportahan ang dating Pangulo.

Ang pagpapalutang aniya ng No-El ni Alvarez sa 2019 ang nag-udyok sa may 180 na kongresista na kumalas sa supermajority isang araw bago ang SONA ni Pangulong Duterte.  (Meliza Maluntag)