‘No flying at no drone zone’ sa SONA ni PBBM ikakasa

‘No flying at no drone zone’ sa SONA ni PBBM ikakasa

July 18, 2022 @ 12:15 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Ikakasa ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang “no flying zone” o “no drone zone” sa unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Batasang Pambansa sa Hulyo 25.

Sa panayam sa Super Radyo dzBB, sinabi ng tagapagsalita ng NCRPO na si Police Lieutenant Colonel Jenny Tecson na hindi kasama sa ban ang mga awtorisadong tao.

“Kagaya po noong mga nakaraan, meron po tayong no flying zone o no drone zone na ipapatupad doon sa area except po doon sa mga authorized lang po,” aniya.

Dagdag pa ni Tecson na pag-uusapan pa sa nakatakdang miting ng security forces ang coverage ng no flying zone o no drone zone.

May kabuuang 21,853 security personnel ang ipapakalat sa rehiyon at sa 34 control border points para sa unang SONA ni Marcos, ayon sa NCRPO.

Ang deployment ay binubuo ng 16,964 personnel mula sa NCRPO, 1,905 mula sa Philippine National Police (PNP) support units, at 2,974 mula sa coordinating agencies at iba pang peacekeeping partners.

Ayon sa PNP, magsasagawa ng maximum tolerance ang pulisya sa mga nagpoprotesta, na pinapayagang magsagawa ng mga rally sa mga freedom park. RNT