No garage, No registration bill inihain sa Kamara

No garage, No registration bill inihain sa Kamara

August 3, 2022 @ 5:00 PM 1 week ago


MANILA, Philippines- Isang panukala ang inihain sa House of Representatives ni Marinduque Rep Lord Allan Velasco na naglalayong hindi papayagang makapagparehistro kung wala itong sariling garahe para sa kanilang sasakyan.

Layon ng House Bill 31 o “No Garage, No Registration Act” ni Velasco na maiwasan na ang pagsisikip sa trapiko ng mga side streets dahil sa mga illegal na nakapark na sasakyan.

“Kung wala ka pong parking space o garahe or proof of parking, hindi ka po pwedeng makapagrehistro ng iyong sasakyan…Yung sinasabi po natin yung public thoroughfares po. Marami po sa subdivisions nagpa-park sa side streets, which are actually allowed by the associations,” paliwanag ni Velasco.

“I’m sure everyone knows kapag humahanap tayo ng ibang daan, aside from our major thoroughfares, diyaan po tayo napapadaan sa side streets. And true enough, mapapansin natin salabit-salabit ang pagpa-parking, kaliwa’t kanan,” giit pa nito.

Nakapaloob din sa panukala na ang mga motorista na nais bumili ng sasakyan ay kailangan na magpakita ng affidavit na magsasaad na mayroon itong parking space , ang nasabing affidavit din ang ipipresinta sa Land Transportation Office bago makapagrehistro at pinagbabawalan din ang mga car dealer na magbenta ng sasakyan kung hindi tiyak na may garahe ang buyer.

Sakaling maisabatas ay ipatutupad ito sa key cities at metropolitan areas kabilang ang Metro Manila, Angeles, Bacolod, Baguio, Batangas, Cagayan de Oro, Cebu, Dagupan, Davao, Iloilo, Naga at Olongapo. Gail Mendoza