‘No garage, no vehicle registration’ bill suportado ng MMDA

‘No garage, no vehicle registration’ bill suportado ng MMDA

August 31, 2022 @ 6:30 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Inihayag ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang suporta sa panukalang gawing rekisitos sa motor vehicle owners sa Metro Manila at major cities ang sariling parking space.

Sa isang public briefing, inihayag ni MMDA spokesperson Crisanto Saruca Jr. na napansin niya na maraming mga sasakyan ang ginagamit ang kalsada bilang garahe.

“Magandang maipatupad din po yung ganung bill para po lahat po ng may-ari ng sasakyan ay garantisado pong nakaparada sa loob ng kanilang pamamahay,” aniya.

Kahit umano ang mga may sariling garahe, inihayag ni Saruca ilan sa kanila ang ginagamit ito bilang extension ng salas o bilang tindahan.

Magugunitang inihain ni Marinduque Representative Lord Allan Velasco ang House Bill 31 na nag-uutos sa Land Transportation Office na beripikahin ang dokumentong inihain ng registrant/purchaser na mayroon silang espasyo para sa sasakyan.

Ayon sa kanya, ito ay upang maiwasan ang paggamit ng mga daanan bilang parking space ng mga sasakyan.

Iginiit ni Velasco na kinakailangan ito sa gitna ng pagtaas ng bilang ng mga bumibili ng pribadong sasakyan dahil sa paglago ng ekonomiya, mas mataas na sahod, mababang downpayments, at murang auto loans. RNT/SA