‘No homework policy’ pinasasabatas ni Bong

‘No homework policy’ pinasasabatas ni Bong

February 12, 2023 @ 9:06 AM 1 month ago


MANILA – Ipinanunukala ni Senator Ramon ‘Bong’ Revilla Jr. ang no-homework policy sa elementarya at junior high school.

Sa ilalim ng Senate Bill No 1792 o ang “No Homework Act of 2023,” isinusulong nito ang walang mandatoryong takdang-aralin sa katapusan ng linggo, at papayagan lamang ito sa mga karaniwang araw. Gayundin, ang takdang-aralin ay kailangan lamang na minimal at hindi dapat humigit sa dalawang oras upang makumpleto, at sa isang boluntaryong batayan.

Giit ng senador na ang mga take-home assignment ay nagpapababa sa produktibidad at saloobin ng mga mag-aaral sa edukasyon, na humahantong sa mas maraming dropout rate at mas mababang mga grado.

Sinabi pa ni Revilla na kapag kakaunti ang ibinibigay na takdang-aralin ay mas marami naman itong maibibigay na oras sa mga magulang para kanilang mga anak.

Sinabi niya na ang isang pag-aaral noong 2009 na isinagawa ng The Organization for Economic Cooperation and Development’s Program for International Student Assessment (OECD PISA) ay natagpuan na ang karagdagang oras na namuhunan sa takdang-aralin ay may maliit na epekto sa performance ng isang mag-aaral. RNT