NO JAB, NO JOB ‘DI MAKATARUNGAN

NO JAB, NO JOB ‘DI MAKATARUNGAN

December 8, 2021 @ 7:11 PM 10 months ago


Kontra sa mahihirap ang panukala ng Inter Agency Task Force na pagbawalang makapasok sa trabaho ang sinomang manggagawang hindi bakunado.

Ayon kay Cong. Eric Pineda, Chairman ng House Committee on Labor, maliban sa discriminatory ito, hayagang panunupil sa karapatan ng mga obrero ang nais mangyari ng IATF kung saan maaari lang pumasok sa kompanya ang hindi bakunadong manggagawa kung magpapa RT-PCR ito kada dalawang linggo.

Idinagdag pa ng mambabatas na walang kasiguruhan ang hindi bakunadong indibidwal na hindi na ito mahahawaan ng covid-19.

Higit sa lahat, kailangan aniyang iatras ng IATF ang nasabing panukala bunsod sa  hindi ito makatarungan sa libo-libong manggagawang kakarampot lang ang tinatanggap na sahod mula sa mga kuripot na kompanya.

Unawa ng sambayanan ang nais mangyari ng gobyernong sa pamamagitan ng polisiyang ito ay matuldukan na ang pananalasa ng sakit na sadyang ikinabagsak ng ekonomiya ng bansang unti-unti nang bumabangon ngayon.

Sa akin, ang malawakang vaccine rollout sa lahat ng dako ng bansa ang sagot sa suliraning ito na naglalayong masungkit na ang 70% herd immunity upang maibalik na sa normal ang lahat.

Walang kuwestiyon sa panukala kung sasagutin ng kompanya ang bayad sa antigen test ng ilang manggagawang ayaw magpabakuna ngunit kung sila pa ang magbabayad, hindi ba aaray ang mga itong halos gumapang na nga sa hirap ng buhay sa mahigit isang taong walang trabaho dahil sa pagsara ng mga kompanyang dulot ng pandemya?

Hindi naman malaking kawalan sa mga dambuhalang factory kung sasagutin nila ang RT-PCR ng ilang hindi bakunadong obrero ngunit ano pa ang matitirang sweldo sa ordinaryong trabahador kung siya pa ang magbabayad nito?

Ang punto, batid ng sambayanan ang layunin ng pamahalaang tuluyan nang makabangon sa hagupit ng pandemya pero ito ay sa pamamagitan ng mga panuntunang hindi magbabaon sa paghihirap ng mga obrerong tanging ang pagtatrabaho ang pantawid-gutom sa kanilang matagal nang sa gutom na pamilya.