No Meat Friday campaign, suportado ng CBCP

No Meat Friday campaign, suportado ng CBCP

November 4, 2022 @ 8:57 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Suportado ng mga opisyal ng simbahan ang panawagan ng Cambridge University sa Santo Papa Francisco na muling isulong ang ‘No Meat Friday’ campaign na nakikitang solusyon upang mapigilan ang labis na global carbon emissions.

Ayon kay Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Indigenous Peoples chairman at Bontoc-Lagawe Bishop Valentin Dimoc, malaki ang maidudulot nitong pagbabago hindi lamang sa kapaligiran kundi higit sa kalusugan ng mga tao.

Ito’y sapagkat kapansin-pansin ngayon ang pagtaas ng bilang ng mga nagkakaroon ng malalang karamdaman sanhi ng labis na pagkonsumo ng mga tao sa karne ng hayop.

Sinabi rin ng Obispo na ang animal agriculture, bagama’t nakakatulong na matugunan ang pagkain ng mga tao ay nakakasira na rin sa kalikasan dahil sa mga maling pamamaraan ng pamamahala.

Samantala, kinilala rin ni Military Bishop Oscar Jaime Florencio ang hamon at layuning paigtingin ang No Meat Friday Campaign ng simbahan.

Ayon kay Bishop Florencio, vice chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Health Care, makabuluhan ang naging pagsusuri ng Cambridge University dahil nakita nito ang malaking ambag ng hindi pagkain ng karne sa layuning pangalagaan ang kalikasan.

Gayunman, nilinaw ni Bishop Florencio na hindi sapilitan ang pakikiisa sa No Meat Friday ng simbahan lalo na sa mga matatanda at mayroong sinusunod na paraan ng paggagamot.

Ang No Meat Friday ay tradisyong sinusunod ng mga katoliko tuwing panahon ng Kwaresma bilang bahagi ng pag-aayuno at pangingilin.

Pinaigting ito ng Radio Veritas noong 2011 upang isulong ang pangangalaga sa kalusugan ng tao, at kalikasan mula sa epekto ng climate change. Jocelyn Tabangcura-Domenden