“No meat Friday” muling isabuhay – Obispo

“No meat Friday” muling isabuhay – Obispo

February 22, 2023 @ 2:05 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Hinimok ni Taytay, Palawan Bishop Broderick Pabillo ang mamamayan na muling suportahan ang “No Meat Friday” campaign ng simbahan.

Ang panawagan ni Bishop Pabillo, chairman ng Catholic Bishops’ Conference Philippines—Episcopal Office on Stewardship ay kasabay ng pagsisimula ng Kuwaresma o Lenten season ngayong taon.

Sinabi ng Obispo na magandang isulong at isabuhay ng bawat mananampalataya ngayong Kuwaresma ang pag-iwas sa pagkain ng mga karne tuwing Biyernes na bahagi na rin ng pag-aayuno at pangingilin.

Napatunayan na aniya ng mga eksperto na pangunahing pinagmumulan ng ibat-ibang karamdaman sa katawan ang pagkain ng karne o pagkain na may mukha.

Inihayag ng Obispo na makakatulong din ang “No Meat Friday” campaign sa pagsusulong ng adbokasiya ng simbahan laban sa epekto ng climate change.

Nanawagan ang Obispo sa lahat na sikapin at simulang isabuhay ang pagkain ng prutas at gulay na bukod sa masustansiya sa katawan ay makatutulong din sa pagpapabuti at pangangalaga sa kalikasan.

Ang No Meat Friday ay tradisyong sinusunod ng mga Katoliko tuwing panahon ng Kuwaresma bilang bahagi ng pag-aayuno at pangingilin.

Pinaigting ito ng Radio Veritas noong 2011 upang isulong ang pangangalaga sa kalusugan ng tao, at kalikasan mula sa epekto ng climate change. Jocelyn Tabangcura-Domenden