‘NO TAKE POLICY’ NI GEN. CARLOS WA-EPEK!

‘NO TAKE POLICY’ NI GEN. CARLOS WA-EPEK!

December 14, 2021 @ 2:58 PM 10 months ago


Isang buwan pa lamang ang itinagal ng pagreretiro ni Gen. Guillermo Elezar, pero ngayon pa lamang ay unti-unti na namang nagbabalik ang masasamang gawi sa hanay ng Philippine National Police.

Ang disiplina sa PNP na nabura noong panahon ng ngayo’y  tumatakbong senador ng bansa ay tila nadedelikado dahil sa pagsulpot na naman ng mga police scalawag na sangkot sa iba’t ibang uri ng kalokohan.

Sa nakaraang ilang linggo ay kapansin-pansin ang muling paglipana ng iligal ng sugalan sa iba’t ibang lugar sa bansa, partikular ang Region 4A, pagdami ng droga, patayan at holdap sa kalsada at iba pang krimen.

Day one pa lamang umano ni PNP chief Gen. Dionaldo Carlos ay nag-open na ang mga sugalan dahil sa basbas ng isang Col. Peralto na nagpakilala sa mga gambling operator na ‘saradong’ tao ng heneral.

Halimbawa’y sa Batangas, ang sinasabing untouchable na sugalan na ipinasara ni Gen. Eleazar noon – ang tinawag na multi-million saklaan o baklayan sa Barangay Sambat, Padre Garcia ay muling nag-ooperate.

Ang sugalang ito na 24 oras ang operasyon at milyones ang pinag-uusapang pera dahil sa laki ng mga taya ay isinasagawa umano sa immensely  protected and heavily guarded na tahanan ng isang Cesar Villestas.

Ang vice den na ito ay  200 metro lamang ang layo  sa Brgy. San Miguel na kinaroroonan ng Padre Garcia Police Headquarters pero ang nakapagtataka ‘walang alam’ si police chief Capt. Eduardo Timbol.

Ito pa ang ipinaabot sa ating mga iligal na nagbukasan na – sa San Jose, Batangas ay hayag ang operasyon ng  paihian, burikian, pasingawan at patulo sa compound ng Benlyn Trucking sa Brgy. Banay-Banay.

Malakihang nakawan ng produktong petrolyo tuwing gabi ang trabaho ng karamihan sa mga tsuper ng Benlyn Trucking na isang petroleum hauler. Milyong halaga ang nananakaw ng mga naturang kawatan sa mga walang kamalay-malay na may-ari ng petroleum depot at mga gasoline station.

Sa Munisipalidad ng Taysan naman, simula araw ng Linggo hanggang Huwebes ay nagpasugal ng color games, beto-beto ang operator ng sabungan na isang Mr. Lee at Rani sa Bilogo Mini Cockpit sa Brgy. Bilogo.

May saklaan at jueteng din sa Padre Garcia, paihi sa San Jose at color games at beto-beto sa Bilogo Mini- Cockpit sa bayan ng Taysan, pawang sa lalawigan ng Batangas,  sa kasagsagan pa naman ng “NO Take Policy”!

Sa dami na ng mga nagbukas na iligal na  sugalan na ‘di na natin maisusulat  dahil sa kakapusan ng espasyo, aba’y dapat kumilos si Gen. Carlos dahil nadedelikado ang inumpisahang reporma ni Gen. Eleazar sa PNP.

Pag-upo ni Gen. Carlos, isa sa kanyang binitawang salita ay ang ‘no take policy’, pero anyare. Parang kabuteng nagsulputan ang kailigalan pero nganga at ayaw kumilos ang kanyang mga police commander.

Anyare, general, sa iyong ‘no take policy’ gayong kaliwa’t kanan na  ang kotongan.

Abangan!