‘No vaccine, no ride’ policy ipatutupad sa LGUs sa labas ng NCR- ULAP

‘No vaccine, no ride’ policy ipatutupad sa LGUs sa labas ng NCR- ULAP

January 16, 2022 @ 11:12 AM 7 months ago


MANILA, Philippines- Maglalabas ang local government units sa labas ng Metro Manila ng executive orders upang ipatupad ang “no vaccine, no ride” policy sa kanilang mga lugar, ayon kay Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP) president at Quirino Governor Dakila Cua nitong Linggo.

Sa kasalukuyan, ipinagbabawal ng Department of Transportation (DOTr) ang mga hindi bakunado sa pagsakay sa public transportation, kung saan nabanggit ang Metro Manila Council (MMC) resolution bilang legal basis sa pagpapatupad nito.

Sa kabila ng mga kritisismo mula sa mga drayber ukol sa ipinalabas na DOTr rule, inilahad ni Cua na rerebisahin nila ang ilang bahagi ng “no vaccine, no ride” policy.

“Maraming lokal na pamahalaan na sinisimulang mag-usap at magpanukala ng executive orders tungkol dito. ‘Yung ‘no vax, no ride policy,'” pahayag niya.

“May kaunting modifications nga at usually improvements nga. I-qualify natin sino talaga. Kung lalabas ang vaccinated na magulang at kailangang i-doktor ang anak na hindi pa bakunado, kailangan naman may ganoong accommodations,” paliwanag pa ni Cua.

Ani Cua, pabor siya sa paghihigpit sa mga hindi pa bakunado upang mapigilan ang pagkalat ng virus.

“Nakakatulong po ‘yung bagong polisiya natin. ‘Yung kapag vaccinated ka mas maraming pribilehiyo. Puwede ka lumabas, puwede ka sumakay sa pampublikong transportasyon,” pahayag niya. RNT/SA